Tuwing papalapit ang araw ng mga puso, isa sa mga pinoproblema ng maraming tao ay ang lugar na maaari nilang pasyalan kasama ang kanilang jowa. 

Pero sa pagpili ng lugar na papasyalan, hindi naman kailangan na laging grandiyoso. Hindi lang naman nakabatay ang pagiging espesyal ng isang tao dahil sa mamahaling lugar na pagdadalhan mo sa kaniya.

Minsan, sapat nang malaman mo ang interes niya; alamin kung saan siya mag-eenjoy. 

Kaya narito ang ilang abot-kayang lugar na pwedeng dayuhin batay sa posibleng interes ng jowa mo:

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

  1. Fort Santiago

Kung ang jowa mo ay mahilig sa mga makasaysayang lugar, maaari siyang dalhin sa Fort Santiago. Isa ito sa kutang itinatag ng mga Espanyol noon pang 1571. 

Ibig sabihin ang lugar na ito ay naging saksi sa napakaraming pangyayari sa Pilipinas sa pagi-pagitan ng panahon. Makikita rito ang mga iniwang bakas ng maraming taong lumipas. 

Sa halagang ₱75, makapaglalakbay na kayong dalawa sa nakaraan nang magkasama.

Pero tandaan, kasaysayan lang dapat ng bansa ang binabalikan. Hindi ang mga alaala ng ex n’yong dalawa kung mayroon man.

  1. Climb Central Manila

Kung trip naman ng jowa mo ay mas extreme at challenging na Valentine’s date, pwedeng puntahan ang Climb Central Manila na itinuturing na pinakamalaking indoor climbing venue sa Pilipinas. Tinataya kasing nasa 750-square-meter ang kabuuang sukat ng dingding na aakyatan.

Pero kung kinakabahan kayo dahil pareho lang naman kayong baguhan sa top rope, lead climbing, at bouldering, walang kailangang ipag-alala. 

Mayroon kasi itong mechanical device na kung tawagin ay auto belay na sisiguruhin ang kaligtasan ng mga climber sa pamamagitan ng pagsalo at dahan-dahang pagpapababa mula sa inakyatan n’yong dingding. 

Kaya tiyak na sa isa’t isa lang kayo mapo-fall. Hindi sa climbing wall space.

Matatagpuan ang Climb Central Manila sa Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City. Para sa mga nasa 18 pataas ang edad, masusubukan ang thrill na dala ng nasabing indoor climbing venue sa halagang ₱800. 

  1. National Museum

Pare-parehong matatagpuan sa Ermita sa lungsod ng Maynila ang tatlong pambansang museo para sa mga sumusunod na larang: fine arts, anthropology, at natural history.

Pero hindi naman kailangang mamili sa tatlo kung tutuusin. Pwedeng-pwedeng puntahan sa parehong araw ang mga binanggit na museo dahil walang kailangang bayarang admission fee. 

Magdala lang ng valid o government ID, libreng-libre nang matutunghayan ang mga dakilang obra nina Juan Luna at Felix Hidalgo na nakatawid sa kasalukuyang panahon. O kaya’y ang ipinreserbang balat ng naitalang pinakamalaking buwayang saltwater na si Lolong. Pati ang mga arkeolohikong koleksyon na tila nagsisilbing portal para masilip ang isang malayong nakaraan ng Pilipinas.

Kaya tiyak na hindi lang kilig ang hatid ng pamamasyal sa museum, pareho pa kayong may matututuhan. At masarap matuto habang umiibig. 

  1. Mystery Manila

Gusto ba ng jowa mong maranasan ang mala-Escape Room na pelikula? 

Kung oo, walang problema dahil maibibigay ‘yan ng Mystery Manila, isang amusement center na matatagpuan sa Makati at Quezon City, sa halagang ₱650 para sa inyong dalawa. 

Malay mo rin, madiskubre n’yo dito ang mga itinatago n’yo pang misteryo sa isa’t isa na magiging dahilan para makapagpatibay ng inyong relasyon.

May mga nakatakdang activity sa nasabing amusement center sa bawat kwartong papasukan. Ibibigay sa inyo ang lahat ng kailangan para makita ang mga pahiwatig na posibleng makatulong sa pagresolba ng mga palaisipan sa loob ng 50 minuto. 

Kapag napagtagumpayan n’yong tapusin ang mga gawain, may prize kayong matatanggap depende sa tagal o bilis na iginugol n’yo. Kung mas mabilis kayong natapos, mas magandang gantimpala ang ibibigay.

Samantala, kung bigo namang lutasin ang mga misteryo sa bawat kwarto, may pagkatataon kang subukang muli ang mga gawain.

‘Yon nga lang, magbabayad na ulit kayo. Pero ang good news, sa mas mababang halaga na kumpara sa orihinal nitong presyo.

  1. Le Village The Lifestyle Food Park

Wala nang mas nakakakilig pa sa piling ng isang taong hindi ka gugutumin; lagi kang bubusugin ng mga pagkain hindi lang ng mga matatamis na salita. “The way to a person’s heart is through his stomach,” ika nga.

Kaya kung gusto ng jowa mo ay tsumibog lang sa araw ng mga puso, pumunta sa  E. Rodriguez Sr. Avenue corner Cordillera St., Quezon City. Naroon ang Le Village The Lifestyle Food Park.

Kahit Pranses ang tunog ng pangalan at hitsura ng paligid ng nasabing food park, huwag ma-intimidate ang pitaka at bulsa. 

Abot-kaya naman daw kasi ang mga pagkaing inihahain dito gaya ng seafoods, unli wings, kare-kare, chinesse foods, ihaw-ihaw, burger, milk tea, shake, at iba pa.

May spot din daw sa rooftop ng Le Village para kung sakaling magustuhan n’yong tumoma pagkatapos kumain. 

Anyway, sulitin n’yo sana ang bawat sandali nang magkasama saanman kayo dalhin ng inyong desisyon sa darating na Valentine’s day, 

Tandaan na ang totoong umiibig basta kasama ang kaniyang minamahal, laging espesyal ang lugar at paligid maski nasaang lupalop o sulok man sila ng daigdig.