Nanawagan ang isang election watchdog sa Commission on Elections (Comelec) na maging mas transparent sa post-qualification evaluation na isasagawa sa bagong automated election system (AES) na maaaring gamitin sa National and Local Elections (NLE) sa taong 2025.
Sa isang pahayag nitong Martes, hiniling ng Democracy Watch sa Special Bids & Awards Committee (SBAC) ng poll body na maglabas ng checklist ng mga technical specifications at magsagawa ng masusing rebyu, kasama ang mga observers, sa sistema ng Miru Systems Company Limited, na siyang lone bidder para sa proyekto matapos nitong makatalima sa mga legal at financial requirements.
Giit ng grupo, makatutulong ito upang masiguro na ang mga stakeholders ay may sapat na kagamitan upang maunawaan kung paanong ang mga requirements ay ini-evaluate at idinedeklara bilang compliant o non-compliant.
Nagpahayag din naman ng pangamba ang Democracy Watch sa hindi sapat na kalidad ng mga existing live online streaming ng post-qualification proceedings at nagmungkahi ng mga pamamaraan gaya nang pagkuha ng mga professional broadcast crew upang paghusayin ang audio-visual clarity.
Matatandaang sinimulan na ng Comelec ang kanilang post-qualification evaluation para sa pagbili ng bagong automated election system para sa 2025 national and local elections.
Nakapagsagawa na rin umano ang Comelec ng end-to-end testing sa prototype machines ng Miru.
Una na ring hinikayat ng Democracy Watch ang poll body na rebyuhin ang track record ng Miru na siya ring nangasiwa sa mga halalan sa Iraq at Democratic Republic of Congo.