Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Pebrero 2, dahil sa trough ng low pressure area (LPA) at northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Mindanao, Central Visayas, Negros Occidental, at Southern Leyte dulot ng trough ng LPA na huling namataan 310 kilometro ang layo sa timog na bahagi ng Zamboanga City sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Pinag-iingat ang mga residente rito dahil sa posible raw pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, malaki naman ang tsansang magdadala ang hanging amihan ng maulap na kalangitan na may katamtamang mga pag-ulan sa Aurora, Quezon, at Bicol Region.

National

Atty. Chel Diokno, benepisyaryo daw ng confidential funds ni VP Sara?

Posible ring magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa naturang mga lugar.

Samantala, inihayag ng PAGASA na maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng Visayas dahil sa trough ng LPA at localized thunderstorms.