Dinakip ng pulisya ang apat na suspek sa panununog ng isang modernong jeepney sa Catanauan, Quezon nitong Miyerkules ng gabi.

Nakadetine na sa Catanauan Municipal Police Station ang apat na suspek na kinilalang sina Ernesto Toriado Orcine, 50, sales manager at taga-Bacoor, Cavite; Noel Cervantes Mariano, 54, civil engineer at taga-Brgy. Tagpus, Binangonan, Rizal; Dominic Valerio Ramos, 28, civil engineer at taga-Brgy. San Fernando, Cabiao, Nueva Ecija at Jade Francis Cabales Castro, 46, film director, screenwriter at producer at Fifth Condominium, San Rafael St. Capitolyo, Pasig, City.

Sa Facebook post ng Police Regional Office 4A (PRO4A), ang mga suspek ay inaresto sa Mulanay matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya na nag-check in ang mga ito sa isang resort Brgy. Butanyog.

Probinsya

2 roving pulis, patay sa tama ng kidlat

Ang mga suspek ay positibong kinilala ng mga testigo na sila ang sumunog sa nasabing modernong jeepney sa national road ng Brgy. Dahican nitong gabi ng Miyerkules, Enero 31.

Patungo na sana sa Poblacion, Catanauan ang nasabing jeep nang harangin ng apat na suspek.

Pinababa ng apat na suspek ang driver, conductor at tatlong pasahero ng jeep bago ito sinunog, gamit ang gasera.

Pagkatapos ng panununog, kaagad na tumakas ang mga suspek gamit ang isang kotse, ayon sa pulisya.

Kaagad namang nilinaw ni Area Police Command-Southern Luzon (APC-SL) Director Police Lt. Gen. Rhoderick Armamento, away sa pagitan ng modern jeepney cooperative at local transport group ang motibo sa insidente.

Habang ginagawa ang balitang ito, wala pang inilalabas na impormasyon ang pulisya kung paano nasangkot sa insidente ang nasabing film director.