Umalma si House Assistant Minority Leader at Gabriela Women's Party Rep. Arlene Brosas sa naging panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.

Sa isang pahayag, iginiit ni Brosas na si Duterte raw muna ang bumukod at dapat na umanong sumuko sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng nangyaring giyera kontra droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

"Ang mensahe ko kay former President Duterte, siya na muna ang bumukod sa Pilipinas. Sumuko na siya sa ICC at tigilan na niya ang mga pakulo niya para iwasan ang mga pananagutan niya sa taumbayan, lalo na sa mga biktima ng extra-judicial killings," ani Brosas.

Ayon pa sa mambabatas, hindi raw dapat gamitin ng dating pangulo ang Mindanao bilang “scapegoat” lalo na’t talamak umano ang paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng kaniyang pamumuno bilang punong ehekutibo ng bansa.

Galvez, tinanggihan panawagan ni ex-Pres. Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa ‘Pinas

"We support Mindanao's fight for self-determination but not the one being proposed by Duterte, which is driven by self-interest. Noong panahon niya, talamak ang patayan at paglabag sa karapatang pantao,” giit ni Brosas.

“Siya pa nga mismo ang nagpataw ng Martial Law sa Mindanao at nagpasara ng mga paaralan ng lumad, kaya wag siyang umastang may pakialam siya sa kalayaan ng ating bansa," dagdag pa niya.

Matatandaang noong Martes, Enero 30, ipinahayag ni Duterte ang ideya ng isang “hiwalay at nagsasarili” na Mindanao mula sa Pilipinas. Tinutulak na umano ito ng mga lokal na personalidad sa pulitika na muling nag-aayos sa isang bagong grupo sa katimugang bahagi ng bansa.

Naglabas naman ng pahayag si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. upang tanggihan ang naturang panawagan ni Duterte.