Patay na ang isang balyena matapos matagpuan sa dalampasigan sa Paoay, Ilocos Norte nitong Huwebes, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sa panayam kay BFAR senior Aquaculturist Vanessa Abegail Dagdagan, ang 12 piyeng pilot whale ay natagpuan ng mga residente sa bahagi ng dalampasigan ng Barangay Masinloc dakong 8:39 ng umaga.

Sinabi ni Dagdagan, mahinang-mahina ang balyena nang matagpuang sa naturang lugar nitong Miyerkules.

Dinala ito sa isang temporary rehabilitation facility at pinakawalan din ito sa dagat kinabukasan.

Matapos ang ilang oras, natagpuan na naman ang balyena na sumadsad sa dalampasigan hanggang sa ito ay bawian ng buhay.

Paliwanag naman ni Philippine Marine Mammal Stranding Network focal person Arthur Valente, posibleng kapapanganak lamang ng balyena dahil sa nakitang gatas sa mammary gland nito.

Aniya, madalas na napapadpad sa dalampasigan ang mga balyena kapag nagkakasakit, masama ang lagay ng panahon, tinatakasan ang mga humahabol na mangingisda o kapag naliligaw sa kahahanap ng pagkain.

Sa datos ng BFAR, mahigit sa 20 balyena ang napadpad sa dalampasigan noong 2023.

PNA

Probinsya

Magjowang nag-away at 'di nagpaawat sa mga pulis, sa kulungan bumagsak!