Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang sinabi ng nagpakilalang testigo na si Arturo Lascañas na may kinalaman umano siya sa Oplan Tokhang, Davao Death Squad (DDS), at mga insidente ng pagpatay o extrajudicial killings sa Davao.
Matatandaang noong Miyerkules, Enero 31, sinabi ni Lascañas, self-confessed na dating DDS hitman, na may kinalaman umano si Duterte sa naging patayan sa Davao.
Sa isa namang video message nitong Huwebes, Pebrero 1, iginiit ni Duterte na “bago ang script” na naturang sinabi ng nagpakilalang testigo laban sa kaniya.
“Sa mga taon na nagsilbi ako bilang Vice Mayor at Mayor ng Davao City, ni minsan ay hindi naugnay ang aking pangalan sa isyung ito. Bigla na lang nagkaroon ng testigo laban sa akin nang mahalal ako na Vice President. At kabilang na nga ako ngayon sa mga akusado sa International Criminal Court,” giit ni Duterte.
“Maliban sa tiyempo, malinaw na sadyang pinilit lang na maidugtong ang pangalan ko sa isyung ito para ako maging akusado sa ICC,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa bise presidente, isang panghihimasok sa “soberanya” ng Pilipinas ang pagpupumilit ng ICC na pakialaman ang hudikatura ng bansa.
“Paglapastangan ito sa dignidad ng mga Pilipino at sa karangalan ng Pilipinas,” ani Duterte.
“Wala na itong debate, sa testigo at mga tao na nakapalikod sa kanya magfile kayo ng kasong murder laban sa akin dito sa Pilipinas,” saad pa niya.