Hindi sumang-ayon ang 2022 vice-presidential bet at dating senador na si Atty. Kiko Pangilinan sa kumalat na social media posts ng mga umano’y “Kakampink” na may linyang: “TAMA NGA KAMI. TANGA NGA KAYO.”

Sa kaniyang social media post nitong Huwebes, Pebrero 1, ibinahagi ni Pangilinan ang isang pubmat na may nakasulat na: “TAMA NGA KAMI. TANGA NGA KAYO.”

“With due respect, this and other similar messages DO NOT help advance the cause we fought for then and continue to fight for now,” ani Pangilinan sa naturang post.

Ayon pa sa dating vice-presidential bet, bagama’t naiintindihan daw niya ang nararamdaman ng iba nilang mga tagasuporta, sana ay hindi raw nila ito dinadaan sa galit.

Probinsya

Bangkay ng dalagitang natagpuan sa ilog, kumpirmadong ginahasa bago pinatay

“Naiintindihan ko yung frustrations ng iba sa atin pero sana hindi ito dinadaan sa galit o sa pangungutya,” saad ni Pangilinan.

“We need to persuade and convince. We do not need to ridicule and insult. Kailangan natin makipagusap at makinig hindi itong magmagaling, manginsulto at makipagaway,” dagdag pa niya.

Matatandaang tumakbo si Pangilinan bilang bise presidente noong 2022 national elections, kung saan kapartido niya si dating Vice President Leni Robredo na tumakbo naman bilang pangulo ng bansa. “Kakampink” ang tawag sa kanilang mga tagasuporta.

Samantala, kumalat sa social media ang naturang post ng umano’y mga Kakampink matapos ang nangyaring girian sa pagitan ng mga kampo ng naihalal na top officials noong nakaraang eleksyon na sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, na parehong nasa ticket ng “UniTeam.”

Noong Linggo, Enero 28, nagsagawa ang pamahalaan ng “Bagong Pilipinas” kick-off rally sa Quirino Grandstand, habang nagsagawa rin ang pamilya Duterte ng Prayer rally kontra Charter Change (Cha-Cha) sa Davao City.

Sa isinagawang prayer rally sa Davao City noong Linggo, tinawag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Marcos na “drug addict.”

MAKI-BALITA: PBBM ‘bangag’, ‘drug addict’, sey ni ex-Pres. Duterte

Itinanggi naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kasama si Marcos sa kanilang drug watchlist.

MAKI-BALITA: PDEA, kinontra si ex-Pres. Duterte; itinangging nasa drug watchlist si PBBM

Matapos ang tirada sa kaniya, iginiit naman ni Marcos na baka nasabi raw ni dating Pangulong Duterte ang naturang mga pahayag laban sa kaniya dahil sa pagtira umano nito ng “fentanyl.”

MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte tumitira daw ng ‘fentanyl,’ banat ni PBBM

Samantala, sinabihan naman ni Davao City Mayor Baste Duterte si Marcos na “tamad” at kulang daw sa “compassion” bilang punong ehekutibo ng bansa.

MAKI-BALITA: Mayor Duterte kay PBBM: ‘You are lazy and you lack compassion’

Bukod dito, igiit pa ng alkalde na dapat na raw magbitiw sa pwesto ng pagkapangulo si Marcos kung wala raw itong pag-ibig para sa Pilipinas.

MAKI-BALITA: Davao City Mayor Duterte, pinagre-resign si PBBM

Kaugnay nito, nito lamang Lunes ay naglabas ng opisyal na pahayag si VP Duterte ukol sa panawagan ni Mayor Baste na mag-resign na si Marcos bilang pangulo.

MAKI-BALITA: VP Sara, nagsalita ukol sa panawagan ng kapatid na mag-resign na si PBBM