Sa mundong ito, masarap sa pakiramdam na may minamahal at nagmamahal sa iyo. Pero paano kung nararamdaman o naghihinala kang hindi lang ikaw ang minamahal niya kundi marami kayo?

Ang pagtuklas kung mayroong third party o nangangaliwa ang iyong partner ay maaaring maging isang sensitibong sitwasyon. Narito ang ilang mga palatandaan na maaaring magpahiwatig ng posibleng pangangaliwa:

1. Pagbabago sa Asal o Kilos

Photo courtesy: Freepik

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Kung napapansin mo na may pagbabago sa asal ng iyong irog, tulad ng pagiging labis na mapang-akit sa ibang tao, pagiging malihim tungkol sa kaniyang mga gawain, o pagiging madalas na maging distant o lumalayo sa iyo, bagay na hindi naman niya ginagawa dati, baka nga may dapat ka nang linawin sa kaniya. Tapos mapapansin mo rin, parang mabilis na siyang mabugnot o uminit ang ulo sa mga simpleng bagay na sinasabi mo sa kaniya, gaya ng pagtatanong kung nasaan siya at sino ang kasama niya. Kaya ang nangyayari, humahantong kayo sa away, kaya may dahilan siya para umalis ng bahay, hindi magparamdam, o hindi makipag-usap sa iyo. Maging alerto rin kung may mga bagong ekspresyon o gawi ang iyong partner dahil puwedeng nakuha niya ito sa bago o madalas niyang kasama.

2. Pag-iba sa Oras ng Uwi

Photo courtesy: Freepik

Kung bigla na lang nagkakaroon ng mga panahon na hindi mo alam kung nasaan ang iyong partner, o may mga oras na hindi siya agad sumasagot sa mga tawag o mensahe, o kung gabing-gabi na o kaya naman ay madaling-araw na kung umuwi pagkatapos ay hindi pa nagsasabi, tiyak na may iba siyang pinagkakaabalahan. Nasa sa iyo iyan kung gusto mo siyang sundan o kung may budget ka naman, puwede kang umupa ng isang "espiya" na magmamanman sa kaniya (lakas maka-teleserye hindi ba!).

3. Pagbabago sa Interes

Photo courtesy: Freepik

Kung may mga bagong interes o aktibidad na biglang lumitaw sa buhay ng iyong jowa na hindi niya dati ginagawa, lalo na kung ito ay may kaugnayan sa mga taong hindi mo kilala, medyo mag-isip-isip ka na kung sino-sino ba ang mga bagong nakakasama niya. Wala namang masama siguro kung makikilala mo ang malalapit na tao sa kaniya, na nakakapag-impluwensiya sa kaniya.

4. Mga Kakatwang Text, Tawag, Chat, at Pagtatago sa Gadget

Photo courtesy: Freepik

Kung napapansin mong madalas na may mga text o tawag ang iyong jowa mula sa hindi mo kilalang numero, o kung bigla siyang nagtatago sa pag-uusap sa telepono kapag ikaw ay malapit, maghinala ka na. Kung dati, hindi naman siya nagla-lock ng gadget, o alam mo ang password o pin code nito lalo na ang cellphone, pagkatapos ay biglang nagpalit siya at ayaw nang ipabasa o ipahawak man lamang ito, mag-isip-isip ka na.

5. Mga Ebidensya o Resibo

Photo courtesy: Freepik

Posibleng makakita ka ng mga ebidensya, tulad ng mga mensahe sa mga social media accounts, mga larawan, o mga "resibong" nagpapatunay na may ibang tao na may kaugnayan sa iyong partner. Halimbawa, kapag nakakita ka ng resibo o discount card ng isang motel, maghinala ka na, lalo na kung hindi naman kayo nagpupunta roon. O kaya naman, may mga larawan siya ng lalaki o babae sa gallery ng kaniyang phone na pinakaiingat-ingatan niya, na alam mong estranghero sa iyong paningin at hindi niya kaanak o kaibigan. Mapapatanong ka na lang, "Bakit?"

6. Kutob

Photo courtesy: Freepik

Minsan, ang iyong "intuition" o kaya ay kutob ay maaaring maging isang mabisang tagapagbabala. Kung mayroon kang nararamdamang hindi tama, huwag balewalain ito at subuking pag-usapan ang iyong mga alalahanin nang bukas at maayos sa iyong partner.

7. Pag-iiba sa Paggastos at Usaping Pera

Photo courtesy: Freepik

Kung dati ay galante siya at siya pa ang gumagastos sa inyong date, ngayon ay tila nagiging matipid siya pagdating sa iyo, subalit nakikita mong bumibili naman siya para sa kaniyang sarili, at nag-aayos pa. Higit sa lahat, tila napapansin mong nababawasan ang savings ninyo at hindi pa siya nagsasabi sa iyo kung bakit binabawasan niya ito.

8. Tinatabangan na sa Kama

Photo courtesy: Freepik

Mararamdaman mong tila hindi na kasing-init ng dati ang inyong pagniniig, o mabilis na lamang niyang tinatapos at wala nang foreplay. O kaya naman, sarili na lamang ang iniisip niyang makaraos at wala na siyang pakialam sa iyo.

9. Nagiging malihim at lumalayo ang loob

Photo courtesy: Freepik

Mapapansin mong hindi na nagsasabi o nagkukuwento sa iyo ang jowa mo, hindi na siya naglalahad ng kaniyang mga nararamdaman, at madalang na siyang magsabi ng matatamis na salita at endearment ninyo sa isa't isa. Hindi na rin niya napahahalagahan ang iyong mga ginagawa, ang iyong ka-sweetan, o hindi ka na rin niya napupuri sa iyong mga kilos at pisikal na anyo. In short, parang tinabangan na.

10. Laging may kasamang iba

Photo courtesy: Freepik

Isang malaking red flag kung mas pinagpapalit pa niya ang oras na ikaw sana ang kasama niya sa oras na ibinibigay niya sa isang kaibigan, katrabaho, o kakilala, anuman ang kasarian nito. Hindi lang naman sa opposite sex puwedeng magkaroon ng affair ang iyong jowa, hindi ba? Puwede kasing "late bloomer" ang iba, mga tipong may mga asawa't anak na, saka lamang nila natutuklasan at na-eexplore ang kanilang sexual identity. Huwag ding pakampante kung kapwa babae o kapwa lalaki ang kasa-kasama ng iyong partner.

Sa pagtingin sa mga palatandaang ito, mahalagang magpakatotoo ka sa iyong mga nararamdaman at magkaroon ng sapat na pagtitiwala sa iyong sarili. Ngunit tandaan na ang mga ito ay hindi laging nagpapahiwatig ng pangangaliwa at maaaring may ibang paliwanag ang mga pagbabagong ito. Baka naman may problema siya't may ibang pinagdaraanan. Wika nga, huwag ka namang judgmental at todong mapaghinala. Ang pinakamahalaga ay magkaroon ng bukas na komunikasyon at pagpapahalaga sa iyong relasyon.