Aminado raw si Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chair Lala Sotto na bilang pinuno ng board ay minomonitor nila ang mga programa sa telebisyon, kagaya na lamang ng noontime show na "It's Showtime."
Sa panayam ng PEP kay Sotto, sinabi nitong in fairness daw ay nalilibang siya sa panonood ng bagong segment ng sinuspinde nilang noontime show, noong Oktubre 14 hanggang Oktubre 27, 2023 dahil daw sa patong-patong na violation, na ang nagsilbing "sukdulan" na ay ang "icing incident" ng mag-partner na sina Vice Ganda at Ion Perez.
Ang bagong segment na tinutukoy ni Sotto ay "EXpecially For You" na nagsisilbing dating game. Dito rin naipahahayag ng hosts ang kanilang mga saloobin at opinyon patungkol sa love, relationship, at moving on stage na talaga namang relate na relate sa mga manonood.
Very cooperative na rin daw ang It's Showtime staff na nagko-coutesy call pa raw sa kanilang tanggapan. As of the moment daw ay wala pa naman silang mga napapansing dapat warningan sa programa.
Sa tanong kung nagkita o nagkaharap na ba sila ni Vice Ganda, inamin ni Sotto na hindi pa sila nagkikita at never pang nagkaharap nang personal.
Anyway, sa personal note ay masaya naman si Sotto tungkol sa pagkakabawi ng TVJ sa titulong "Eat Bulaga" mula sa TAPE, Inc. na ginagamit na nila ngayon.
Tatay niya ang isa sa TVJ at host nitong si dating senate president Tito Sotto III.
Hindi naiwasang mabigyan ng malisya ng pagiging "bias" sa mga desisyon ng MTRCB kaugnay ng programa dahil sa pagiging magkadugo nila, subalit nilinaw ni Lala na patas ang mga desisyon ng board sa pagbibigay ng warning o sanction sa alinmang palabas na kailangang sitahin.
Kaya hindi nagpatinag si MTRCB Chair Lala sa mga panawagan noon na mag-resign na lang siya dahil alam daw niyang nasa tama at patas lamang siya.