Umaapela si Manila Mayor Honey Lacuna ng blood donations upang matulungan ang mga nangangailangan na walang kakayahang pinansyal.

Ayon kay Lacuna, kasalukuyang nagsasagawa ang Sta. Ana Hospital na pinamumunuan ni Dr. Grace Padilla, ng blood donation drive para sa state-of-the-art blood bank na naroroon upang punan ang pangangailangan para sa blood transfusions at tulungan ang  mga pasyenteng nangangailangan.

Sinabi ni Lacuna, na isa ring doktor, na ang nasabing SAH blood bank na nasa two-storey building ng nasabing ospital ay naroon lamang upang lutasin ang pang-araw-araw na problema ng lungsod kung saan kukuha ng dugo para sa mahihirap na pasyente lalo na ang mga galing sa operasyon o panganganak o may kakaibang kundisyon tulad ng anemia.

Paniniguro pa ng alkalde, ang blood bank ay narito upang magkaroon ng ligtas na pagkukunan ng dugo ang mga pasyente, na nakalinya rin sa blood program ng Department of Health (DOH) at sa  emergency preparedness ng lungsod.

VP Sara may sagot sa umano'y impeachment niya: 'If I get impeached, that's it!'

Gayunman, mawawalan aniya ng silbi ang blood bank kung wala rin namang magdo-donate ng dugo.

Kung walang blood bank, nabatid na kahit ang isang pasyente ay mayroong ng certificate of indigency, ay kailangan pa rin na gumastos ng P1,200 para sa isang bag ng dugo na kadalasang ay hindi pa laging available.

Dahil dito ay umapela si Lacuna sa publiko, mga residente ng Maynila o hindi taga-Maynila na mag-donate ng dugo dahil malaki ang maitutulong nito sa mga maysakit at nangangailangan.

"Sa pagbibigay ninyo ng dugo, masasabi nating nakatulong tayo sa kapwa natin Manilenyo…bukas, may makakagamit ng dugo ko,” pahayag ni Lacuna.

Samantala, sinabi naman ni Padilla na, " Having an in-house blood bank, the hospital ensures immediate access to a safe and adequate supply of blood products, which is vital for emergencies, surgeries, and the treatment of various medical conditions, meet the demand for blood transfusions and support patients in need.”

Ani Padilla, upang maging blood donors ay dapat na malusog,  may edad na 18– 60-anyos, may timabang na 110 lbs o 50kg, may sapat na tulog (minimum of five hours), at hindi nakainom ng alak sa loob ng 24 oras.

Ang mga bumibiyahe, may piercing, at naggagamot ay ia-assess; at ang donors ay dapat na hindi nakakain ng matatabang pagkain bago mag-donate ng dugo.