Ilang araw na lang, magpapaalam na ang buwan ng Enero. Ibig sabihin, papalapit na ang araw ng mga puso. 

Mapupuno na naman ang paligid ng mga bulaklak, dekorasyong hugis-puso, mukha ni Kupido, at magkarelasyong naglalampungan habang suot ang bagong biling couple shirt sa online shop. 

At gaya ng inaasahan, magsisimula na muling manawagan ang karamihan sa mga single para ipatanggal ang petsang 14 sa kalendaryo ng Pebrero na parang ikamamatay nila ang pagkakaroon nito.

Pero huwag masyadong mag-alala, single peeps. May ilang araw pa namang natitira para paghandaan ang buwan ng Feb-ibig. Lalo na ngayong tila pakiramdam ng lahat ay mabagal matapos ang Enero. 

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Kaya narito ang munting gabay kung paano mabibingwit ang makakasama sa Valentine’s Day—o kung susuwertehin—pati sa habambuhay ayon sa psychologist at content creator na si Riyan Portuguez.

1. Principles of Similarity

Mahalaga umanong matagpuan mo ang commonalities n’yo ng crush mo. Ito kasi ang magsisilang ng mga malalalim na kuwentuhan na sa huli ay magiging dahilan kung bakit kayo mahuhulog sa isa’t isa.

Pero paalala niya: “Huwag n’yo namang gawin ‘yong first time n’yo pa lang, e, ang dami mo nang alam…Dapat natural lang.”

2. Mere-exposure effect

“The mere exposure effect is a cognitive bias where individuals show a preference for things they’re more familiar with,” ayon sa artikulong “Mere Exposure Effect In Psychology: Biases and Heuristics” ni Charlotte Nickerson. 

Kapag mas madalas ka raw nakikita ng crush mo, mas malaki ang posibilidad na magustuhan ka niya. Madali kayong magkakakilala at magkakapalagayan ng loob. Kaya kung kaklase o katrabaho mo siya, pagkakataon mo na ‘yon para dumamoves.

3. Proximity

Malaki ang kinalaman ng distansya sa pag-ibig. Maaaring maging salik ito para magmahal ang isang tao o mawala ang nararamdaman niyang pagmamahal sa kung sinoman. Jowa, halimbawa.

“Siguro nababalitaan n’yo ‘yong mga usapin na pinagpalit sa malapit. Nangyayari kasi ‘yon. Most of the time, kapag ‘yong mga tao ay mas malapit sa kaniya, available sa kaniya, may chances na pwede niyang makausap,” paliwanag ni Riyan.

Kaya lumingon-lingon lang sa paligid. Huwag nang tumanaw pa sa malayo. Baka matagal mo na talagang natagpuan ang pag-ibig na hinahanap, dinededma mo lang.

4. Complementarity

Hindi ibinibigay ng Diyos ang lahat ng mga gantimpala at biyaya. Ibig sabihin, bawat isang taong nilikha ay laging may kakapusan at kahinaan. Kaya ang pagpapadama sa isang tao na pinupunan mo ang kakulangan niya ay isang malaking factor para ma-develop ang feelings niya sa ‘yo. 

“Ganoon din siya sa ‘yo,” sabi ni Riyan. “Minsan, mag-ask ka ng favor sa kaniya, ‘di ba. Na tulungan ka niya sa bagay na hindi mo masyadong alam. So, nakakatulong din ‘yon. Nakakapagpadagdag ng self-esteem niya.”

5. Reciprocation of Liking

Pagpapadama sa tao na gusto mo siya para pumasok sa isip niya ang iba’t ibang posibilidad gaya ng pakikipagrelasyon sa ‘yo. Paano ito ipapadama? Purihin, suportahan, at pahalagahan ang  mga ginagawa niya lalo na ang mga bagay na sa tingin mo ay importante para sa kaniya.

“Bigyan mo siya ng mga praises na totoo naman dapat. Huwag namang bolahin out of nowhere…I-affirm mo siya sa mga bagay na ka-affirm-affirm…So, somehow mare-reciprocate niya rin ‘yon sa ‘yo,” ani Riyan.

Pero kung tingin mo ay hindi uubra ang lahat ng ito at wala na talagang pag-asa pa na maging kayo, pumunta sa simbahan ng Quiapo. Marami doong gayumang inilalako.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!