Nauna nang naitampok sa Balita ang tungkol sa isang viral Facebook post ng registered nurse, event host, at entrepreneur na si "Genesis Wilson Bias" mula sa lalawigan ng Rizal, hinggil sa makabagbag-damdaming engkuwentro niya kay "Mang Fred," isang senior citizen na patuloy pa ring naglalako ng kaniyang serbisyo sa pagkukumpuni ng mga sirang sapatos at payong sa kanilang lugar at karatig-barangay sa pamamagitan ng bisikleta.

Kuwento ni Genesis, naisipan niyang magpagawa ng sapatos sa matandang sapatero, at habang nagkukumpuni ay nakakuwentuhan niya ito.

Bata pa lamang ang uploader ay nakikita na niya si Mang Fred, at ito raw ang hanapbuhay nito noon pa man. Araw-araw kung maglako ng kaniyang serbisyo si Mang Fred gamit ang kaniyang bisikleta.

“Mang Fred bata pa lang ako, kayo na po ang nagtatahi ng mga sirang payong at sapatos namin," saad ni Genesis sa kanilang kuwentuhan.

Human-Interest

ALAMIN: Ang 2025 sa ilalim ng Year of the Wooden Snake

Sagot daw nito, “Suki ko yung babaeng mabait jan sa inyo (Nanay Wina), kaso nabalitaan ko matagal na daw syang namatay" na tumutukoy sa nanay ng uploader.

"Ang tyaga po ‘nyo Manong," papuri niya sa sapatero.

Tugon naman daw ni Mang Fred, “Kailangan eh, para may pambili ng bigas.”

Batay sa Facebook post ng netizen at eksklusibong panayam na rin ng Balita sa kaniya, si Mang Fred daw ay 68-anyos at tubong Baras, Rizal.

Simula noong 1985, ang naging kabuhayan na raw ni Mang Fred ay magkumpuni ng mga sirang payong. Noong 1990, nagsimula na rin siyang mag-repair ng mga sirang sapatos.

Sa simpleng pakikipag-usap daw ni Genesis kay Mang Fred ay marami siyang napagtanto. Pareho raw silang napag-usapan kagaya na lamang ng presyo ng bigas gayundin kung may "pag-asa" pa bang makaahon sa hirap ang bansa.

"Ang simple lang ng dahilan at kaligayahan ni Manong kung bakit sya nagsusumikap sa buhay. Madami kaming napag-usapan tungkol sa buhay. Kagaya ng ang mahal na ng mga bilihin lalo ang bigas at kung may pag-asa pa bang lumiwanag ang Pilipinas???"

"Sa ating buhay, [marami] tayong pinagdadaanan na pagsubok o maaring kadiliman. Ngunit, kailangan lang natin na maniwala na sa bawat araw na nagmumulat tayo ng ating mga mata, nakikita natin ang bagong buhay at liwanag. Sa bawat [pagsulsi] natin sa ating buhay may mabubuong pangarap at makikita natin ang pag-asa."

"Si Mang Fred ang naging blessing ko ngayong araw upang mas makita ko ang halaga ng buhay ko noon at kung ano ang simpleng meron ako ngayon. Maraming Salamat Mang Fred! Ingat po palagi, isasama ko po kayo palagi sa aking mga dasal 🙏🙏🙏🙏"

Hinimok naman ni Genesis ang mga kakilala na kung makita nila si Mang Fred, sa kaniya na magpagawa ng payong at sapatos.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Genesis, sinabi niyang dahil sa kaniyang post ay ilan sa kaniyang mga kakilala ang nagpaabot ng sako ng bigas para sa matanda.

Napag-alaman daw ni Genesis na may asawa, mga anak, at apo na si Mang Fred subalit mas pinipili pa rin nitong kumayod pa rin huwag umasa sa mga anak.

Agad na ibinigay ni Genesis kay Mang Fred ang mga bigas at tulong na ipinagkaloob ng netizens at ibang concern citizen kay Mang Fred.

"Let us be a person who has this gift often reaches high summits. A person like the sun in a community," anang Genesis sa kaniyang update.

"Natanggap na po ni Manong Fred ang inyong tulong. Maraming Salamat po sa inyong mga tulong para sa kanya lubos po ang kanyang kaligayahan. Gaya ni Manong hindi ko din lubos inakala na makakatulong ako sa pamamagitan ng FB post ko. Salamat sa Diyos 🙏"

"Isa lang ang natutunan ko, 'Hindi man ako maging biyaya para sa iba, nais ko na maging daluyan ng biyaya mula sa Diyos.'"

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang lolo repairman sa mga natanggap niya sa pamamagitan ng video.

Sa panayam pa ng Balita sa kaniya, siya pala ay nakapagpatapos na ng dalawang anak sa kolehiyo.

Ang panganay niyang anak ay nagtapos ng Bachelor of Science in Information Management, ang panggitna naman ay BS Secretarial, at ang bunso ay kasalukuyang nag-aaral pa sa programang BS Psychology.

Kahit na binibigyan siya ng mga anak ng pera, pinipili pa rin ni Mang Fred na magbanat ng buto upang hindi sila umasa sa mga anak na may sari-sarili na ring buhay.

Nagulat si Mang Fred na dumagsa ang tulong sa kaniya. Hindi raw niya sukat akalaing maibabalita pa siya matapos mag-viral ang post patungkol sa kaniya.

"Ako'y nagsusumikap para magkaroon ng pambili ng mga pagkain para nang sa ganoon, para din sa aming pangangailangan. Maraming maraming salamat sa inyong lahat!" bahagi ng mensahe ni Mang Fred sa lahat ng nagpaabot ng tulong sa kaniya.

Kudos sa iyo, Mang Fred! Ipagpatuloy ang kasipagan, subalit huwag pababayaan ang kalusugan!

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!