‘Pinoy Swifties, papatalo ba kayo?’
Kinilala ng Guinness World Records (GWR) ang isang 20-anyos mula sa Pakistan bilang “number one Swiftie” dahil sa dami ng Taylor Swift songs na nahulaan niya sa loob ng isang minuto.
Sa ulat ng GWR, nagawaran si Bilal Ilyas Jhandir ng titulo para sa “most Taylor Swift songs identified from their lyrics in one minute” matapos niyang matukoy ang mga pamagat ng 34 songs ng singer-songwriter sa loob ng napakaikling panahon.
Natalo niya ang dating record holder na si Dan Simpson mula sa United Kingdom na nakahula naman ng 27 songs noong 2019.
“Swift’s top 50 best-selling songs were compiled into a list in random order, from which Bilal was tasked with identifying each song from its beginning lyrics, read aloud by a human without any accompanying music,” anang GWR.
Kuwento naman ni Bilal sa GWR, 13-anyos pa lamang daw ay nakikinig na siya ng mga kanta ni Taylor.
“I am a die-hard fan of her,” ani Bilal. “I have listened to each and every song of hers. I can identify almost any song of hers from the lyrics.”
Napagdesisyunan naman daw niyang i-break ang nasabing record dahil naniniwala siyang ito ang “best way on Earth” para maipakita niya ang kaniyang pagmamahal para sa singer-songwriter.
Bukod naman sa bagong world record, kinilala na rin si Bilal ng GWR para sa titulong “most animals identified from animal sounds in one minute” noong 2021 at “most Justin Bieber songs identified from their lyrics in one minute” noong nakaraang taon.
Samantala, isa si Taylor sa mga artist na nakapagkamit na rin ng world records, ayon sa GWR.
Kamakailan lamang, kinilala ng GWR ang Eras Tour ni Taylor bilang “highest-grossing music tour ever,” kung saan ito umano ang pinakaunang nakalampas sa $1 billion dollars sa revenue.
Bukod dito, kasama rin sa world records na nakamit ng singer-songwriter ang kaniyang pagiging “unang female artist na humakot ng 100 million monthly listeners sa Spotify” at “nag-iisang nabubuhay na artist na nakapagtala ng 10 albums nang sabay-sabay sa US Billboard 200 chart.”
Dahil sa impluwensiyang naidudulot ni Taylor at ng kaniyang mga awitin, inanunsyo kamakailan ng University of the Philippines (UP) na mag-ooffer na ito ng elective course na nakasentro sa singer-songwriter.
https://balita.net.ph/2024/01/12/heads-up-pinoy-swifties-up-mag-ooffer-na-ng-taylor-swift-course/
Pagkatapos ng anunsyo ng UP, ibinahagi rin ng De La Salle University-Dasmariñas na ituturo na rin bilang elective subject ang musical artistry ni Taylor sa kanilang senior high school.
https://balita.net.ph/2024/01/15/taylor-swift-elective-ituturo-sa-shs-ng-dlsu-dasmarinas/