Naglabas ng pahayag si Atty. Luke Espiritu kaugnay sa naging bangayan ng kampo nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa Facebook post ni Espiritu nitong Lunes, Enero 29, sinabi niyang pakaisiping mabuti na sa gitna umano ng “pampulitikang sarswela” ng paksyon nina Marcos at Duterte ay walang solusyon ang dalawa sa kahirapan.

“Wala silang solusyon sa mataas na presyo ng bilihin, wala silang balak pataasin ang ating sahod para umakma sa cost of living, walang maaasahang serbisyong pampubliko gaya ng pabahay, kalusugan, edukasyon, at transportasyon,” pahayag ni Espiritu.

“Mananatiling kontraktwal ang manggagawa, walang lupa ang magsasaka' katutubo, walang bahay ang maralita, walang pag-asa ang kabataan, walang kabuhayan ang manininda, sinoman sa mga Marcos at Duterte ang nasa poder,” aniya.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Para kay Espiritu: “Ang uunahin ni Marcos, pagpapayaman sa sarili at sa mga dambuhalang kapitalista sa pamamagitan ng Maharlika Fund at mga neoliberal na patakaran sa kanyang Philippine Development Plan. Ang uunahin ni Duterte, pagpapayaman sa sarili at gawing kaharian ng pamilya nya ang Pilipinas, gaya ng pagiging hari-harian nila sa Davao.”

Kaya ang kaniyang panawagan: “Wag tayong mabitag sa kanilang bangayan. Wala tayong kakampihan sa kanila. Wala tayong ibang maaasahan kundi ang sarili nating pagsasama-sama bilang nagkakaisang kilusang demokratiko--na isinusulong ang kapakanan, karapatan, kabuhayan, at kinabukasan ng masang manggagawang Pilipino.

“Sa lahat ng pwersa ng demokrasya, panahon nang magsama-sama. Wakasan ang yugto ng kadiliman. Magsilbing liwanag para sa ating mga kababayan.”

Matatandaang isiniwalat ni Duterte sa ginanap na “Hakbang ng Mausig Leaders Forum” na kasama umano si Marcos, Jr. sa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, isiniwalat na kasama sa ‘drug watchlist’ si PBBM

Pinabulaanan naman ng PDEA ang nasabing paratang at sinabing wala umano sa National Drug Information System (NDIS) ang pangalan ng kasalukuyang pangulo.

MAKI-BALITA: PDEA, kinontra si ex-Pres. Duterte; itinangging nasa drug watchlist si PBBM

Matapos ito, iginiit ni Marcos Jr. na tumitira umano si Duterte ng “fentanyl.”

MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte tumitira daw ng ‘fentanyl,’ banat ni PBBM

Si Espiritu ay isang abogado at aktibista na kumandidato bilang senador noong 2022 Elections. Naging bahagi siya ng senatorial slate ng Partido Lakas ng Masa nina Leody De Guzman at Walden Bello.