Tila hindi iboboto ni Cristy Fermin ang dating nakaalitang si Willie Revillame, nang magdeklara itong handa na raw siyang tumakbo sa pagka-senador sa darating na halalan sa susunod na taon.
Dumalo si Revillame sa prayer rally sa Davao City noong Linggo, Enero 28, at dito niya sinabing posible siyang tumakbo sa posisyong nabanggit, na una na niyang tinanggihan noong 2022, nang himukin siya nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go.
Unang binanatan ni Cristy ay ang sinasabi raw ni Willie na kusang-loob ang pagtulong niya sa mga kababayang nangangailangan. Siya raw mismo ang makapagsasabing hindi totoo ito dahil nanunudsod o binabalikan nito ang mga taong natulungan niya; in short, nanunumbat.
Matatandaang nagkaroon ng girian sa pagitan ng dalawa na humantong sa pagsasauli ni Cristy sa ibinigay na condominium unit sa kaniya ni Willie.
Pangalawa raw ay baka maging suno-sunuran lang daw ito sa sasabihin ng dating pangulo.
"Public servant ka. Ikaw ang dapat na gumawa ng paraan para magserbisyo-publiko ka. Nakakatakot lang ito," anang Cristy.
Ang aga-aga pa raw at sa susunod na ang eleksyon, heto't nagdeklara na kaagad daw ang TV host ng posibleng gagawin niya kaugnay ng halalan.
"Kaya sa akin, kung tatakbo siyang senador, sa pipiliin ko, wala ang pangalan ni Willie Revillame," tigas na sabi ni Cristy.
Binasa ni Cristy ang ipinadalang text message sa kaniya ng isang tagasubaybay na ilusyunado raw si Willie.
Pagkatapos, nagkomento si Cristy sa looks ng TV host sa nagdaang prayer rally.
"Ang laki ng itinanda oh," aniya. "Tingnan mo hitsura oh. Ang laki-laki ng itinanda niya, 'di ba."
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Willie sa mga naging banat sa kaniya ni Cristy.
MAKI-BALITA: Willie binanatan ni Cristy sa ambisyong mag-senador