Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bawal na raw sa “Bagong Pilipinas” ang mga nagwawaldas at nagnanakaw sa pera ng bayan.
Sa kaniyang talumpati sa “Bagong Pilipinas” kick-off rally nitong Linggo, Enero 28, sinabi ng pangulo na kailangang maging tapat sa bayan ang mga opisyal ng gobyerno.
“Bawal ang mga hindi tapat at nangungulimbat. Kapag pera ng bayan ang nawala dahil sa katiwalian, ang mga taong paglalaan sana ng pondong naglaho ay nananakawan,” ani Marcos.
“Sa Bagong Pilipinas, bawal ang waldas,” dagdag niya.
Ayon pa sa pangulo, dapat daw bukas sa publiko kung paano ginugugol ng pamahalaan ang budget ng bayan.
“Ang paghahanda, lalo na ang paggugol ng budget ng bayan, ay bukas sa publiko at hindi kinukubli. Walang parte nito ang kinukupit o sinusubi,” saad ni Marcos.
Samantala, inihayag din ng punong ehekutibo sa naturang talumpati na bawal na rin daw ang tamad at makupad sa Bagong Pilipinas.
Ipinaliwanag din ng pangulo na hindi raw isang “political game plan” ang naturang kampanya at wala raw itong ibang agenda kundi mapabuti ang estado ng bansa.
https://balita.net.ph/2024/01/29/pbbm-itinangging-political-game-plan-ang-bagong-pilipinas/