Iginiit ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon na hindi adik sa droga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bagkus ay adik daw ito sa pagmamahal sa bayan.

"Si Presidente Bongbong Marcos ay hindi adik. Nagsalita na ang PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) na wala sa listahan ng mga suspect ng drug users ang pangalan ni Presidente Bongbong Marcos kahit noon pa man at hanggang ngayon," ani Gadon sa isang video na in-upload sa kaniyang Facebook page nitong Lunes, Enero 29.

“Hindi adik si Bongbong Marcos. Napakaganda ng kaniyang pamamalakad ng ating pamahalaan. Sa katunayan, sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 18 taon ay tumaas ang ating employment rate ng 95.8%, at nagkaroon tayo ng increase ng palay production ng 300,000 metric tons ngayon sa kaniyang pamamahala,” dagdag niya.

Binanggit din ni Gadon ang iba pa umanong mga pag-unlad na ginagawa ni Marcos sa bansa, katulad na lamang ng pagbaba ng inflation rate sa 3.9% noong nakaraang Disyembre.

Ex-Pres. Duterte tumitira daw ng 'fentanyl,' banat ni PBBM

“Marami ngayon ay investors na naglalayon na magtayo ng mga negosyo dito sa ating bansa, kaya tayo ngayon ay maganda ang tinatahak tungo sa pag-unlad sa Bagong Pilipinas,” saad din niya.

Ayon pa kay Gadon, lahat daw ng ginagawa nila sa gabinete ay sang-ayon sa direksyon at adbokasiya ng pangulo.

"Si Presidente Bongbong Marcos ay isang adik sa pagmamahal sa bayan. Isang adik sa pagtatrabaho. Napakaganda ng kaniyang pamamahala," giit ni Gadon.

"Kaya mga kababayan ko, mga kapatid ko, mga kaibigan, mga kapwa-Pilipino, tayo ay manalig at umasa sa mas mabuting pamahalaan sa pamamagitan ng pamamahala ni Presidente Bongbong Marcos," saad pa niya.

Matatandaang iginiit ni dating Pangulong Duterte na “drug addict” nitong Linggo, Enero 28, na “drug addict” umano si Marcos.

MAKI-BALITA: PBBM ‘bangag’, ‘drug addict’, sey ni ex-Pres. Duterte

Kaugnay nito, naglabas ng pahayag ang PDEA nitong Lunes upang itangging kasama ang kasalukuyang pangulo sa kanilang drug watchlist.

MAKI-BALITA: PDEA, kinontra si ex-Pres. Duterte; itinangging nasa drug watchlist si PBBM

Kaugnay na Balita: