Sang-ayon ang dating appointed Assistant Secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Deputy Administrator Overseas Workers Welfare Association (OWWA) na si Mocha Uson sa naging sagot ni Sen. Francis "Chiz" Escudero patungkol sa "People's Initiative" nang kapanayamin siya sa programming "Headstart" ni Karen Davila ng ABS-CBN News Channel o ANC.

Ayon kay Uson, tama ang sinabi ni Escudero na tila pinagmamadali ang "People's Initiative" na baguhin o amyendahan ang Saligang-Batas ng Pilipinas.

"Maganda itong sinabi ni Sen. Chiz Escudero. Bakit nga ba minamadali?" caption ni Uson matapos niyang ibahagi ang video clip ng panayam kay Escudero, sa kaniyang Facebook page na "MOCHA USON BLOG."

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Pahayag ng senador patungkol dito, "It's not a question of timing, it's a question of credibility. It's the question of trust, or the absence or lack of trust. Lahat 'yan magagawa kung buo ang tiwala ng mas nakararaming Pilipino sa nagpapatupad ng pagbabago sa Saligang-Batas. Na hindi ito magiging makasarili, na ito'y para lamang talaga sa kapakanan ng bayan. Na hindi ito minamadali, hindi ka nagtatago't nagdedeny ka, inaamin mong ito talaga ang gusto mo, at tatayuan mo, papaliwanag mo sa tao, at hindi 'yong kung ano-anong rason ang ibinibigay sa pagpapapirma na hindi naman talaga ipinapaliwanag 'yong issue."

Sang-ayon din umano ang senador sa mga naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tila ginagawa raw ignorante ang taumbayan.

"Parang minamaliit, tinatratong ignorante 'yong tao... na isang mahalagang bagay tulad nito pinag-uusapan, tapos nagpapapirma lang kung saan-saan, ni hindi man lang pinag-uusapan. Wala man lang malayang debate. Wala man lang malayang diskusyon. Bago magpapirma kung saka-sakali..."

Samantala, ibinahagi naman ni Uson ang litrato nila ni Vice President Sara Duterte at nilagyan ito ng caption na "Mahalin natin ang Pilipinas 💚💚💚👊🏼👊🏼👊🏼.

Dumalo si Uson sa isinagawang prayer rally sa Davao City kaugnay ng pagtutol sa People's Initiative.