Isiniwalat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Pangulong Bongbong Marcos.
Sinabi ng dating pangulo kina Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos na hindi siya kalaban ng gobyerno. Hangga’t maaari nga raw ay iniiwasan niyang magsalita pero ngayon daw ay napilitan umano siya.
“Mr. President, Ma’am Liza Araneta-Marcos, hindi ninyo ako kalaban. Wala akong sinasabi na masama, hindi lang ako makakampanya noon. Alam mo iniiwasan ko ito, itong panahon na ito, ito talaga ang iniwasan ko kasi mapipilitan ako ngayon magsalita laban sa mga tao sa gobyerno, ani Duterte sa “Hakbang ng Mausig Leaders Forum” prayer rally na ginanap sa Davao City nitong Linggo, Enero 28.
“Alam mo Mr. President, hindi ako manghingi ng tawad. Kagawan mo ‘yan eh. It is your responsibilities sa sarili mo. What you do in this world binds you, iyo ‘yan. ‘Wag mong sisihin ang ibang tao kasi sarili mong utak at katawan ‘yan,” dagdag pa niya.
Sa parehong pahayag, isiniwalat ng dating pangulo na kasama umano sa drug watchlist si Marcos.
“No’ng ako’y mayor, pinakitaan ako ng evidence ng PDEA. Doon sa listahan, nandoon ‘yong pangalan mo. Ayaw kong sabihin ‘yan kasi magkaibigan tayo. Kung hindi magkaibigan, magkakilala,” ani Duterte.
“Ikaw eh, pumapasok kayo nang alanganin. Mr. President baka sumunod ka sa dinaanan ng tatay mo. D’yan ako takot ayaw kong mangyari sa’yo ‘yan. Pabor lang, ako naman ang magmamakaawa kasi it will divide the nation at madugo ang panahon na ito.”
Samantala, itinanggi ng PDEA na nasa watchlist si PBBM nitong Lunes, Enero 29.
“Based on all the foregoing facts, the PDEA asserts that President Marcos Jr. is not and was never in its watchlist,” anang PDEA.