Nagpasalamat at humingi ng paumanhin ang Kapuso comedy star na si Pokwang sa pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) at Department of Justice (DOJ) kaugnay ng deportation case ng dating partner na si American actor Lee O'Brian, dahil sa ilang mga umano'y "nasasabing di kaaya-aya."

Mababasa ang kaniyang mensahe sa BI at DOJ sa kaniyang Instagram post nitong Sabado, Enero 27, kalakip ang litrato nila ni O'Brian at anak nilang si Malia.

"Una po sa lahat, nais ko po sanang magpasalamat sa Bureau of Immigration para sa kanilang mabilis at patas na resolusyon sa aking petisyon na maipadeport si William Lee O’Brian. Masaya ako at ang aking mga anak sa naging desisyon ng BI," ani Pokwang.

"Sa mga dokumento na dumating sa akin, nalaman ko na naghain ng Motion for Reconsideration si Lee noong December 28, 2023. Buo ang tiwala ko na sa amin pa rin papanig ang hustisya dahil nasa aming panig ang katotohanan."

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

"Aaminin ko na napakahirap ang pinagdadaanan kong ito - may mga araw na napangungunahan ako ng inis at galit. Frustrated ako dahil gusto ko nang mapaalis si Lee sa ating bansa sa lalong madaling panahon."

"Nalaman ko noong isang araw na nagfile din ng Motion for Voluntary Deportation si Lee noong January 10, 2024. Wala pa kaming kopya nitong Motion na ito."

Dahil sa mga bagay na ito at dulot na rin daw ng kaniyang "bugso ng damdamin" ay nakapagbitaw ng masasakit na pahayag si Pokwang laban sa ilang mga tauhan ng BI, kaya humihingi siya ng pasensya sa kanila, lalo na sa kanilang mga pinuno.

"Naging mabigat ang aking saloobin mula ng nagkaproblema kami ni Lee, at nagpatuloy pa ito kahit nanalo na kami sa deportation case laban sa kanya. Dahil na din siguro ito sa mga limitasyon ko bilang tao, bilang solo parent na nagtataguyod sa aking pamilya. Valid man itong aking mga nararamdaman, hindi ito sapat na dahilan para makapagsabi ako ng mga masakit at walang basehan na bagay sa aking kapwa, partikular sa ating mga kasamahan sa BI."

Humihingi po ako ng dispensa sa lahat, lalo na sa BI na pinamumunuan ni Commissioner Norman Tansingco at kay Secretary Boying Remulla na namamahala sa DOJ. Naniniwala po ako sa proseso ng hustisya sa Pilipinas. Pasensya na po kung sa bugso ng aking damdamin, ay may mga nasasabi akong di kaaya-aya."

Nagpasalamat naman si Pokwang sa kaniyang mga naging kasangga sa laban na kaniyang isinuong.

"Gusto ko din magpasalamat kay Atty. Rafael Calinisan at sa Calinisan Domino and Beron Law Office para sa kanilang galing at husay sa pag aasikaso ng aking kaso. Salamat sa pasensya at malasakit ninyo sa akin. Humihingi din ako ng paumanhin sa inyo dahil nailagay ko kayo sa alanganin dahil sa aking mga sinasabi."

"Pang huli, humihingi ako ng paumanhin sa taumbayan kung ako ay naging malupit sa aking mga nabibitawang salita. Patawad po, at sana ay patuloy po ninyo akong suportahan sa pamamagitan ng inyong pag-unawa at panalangin. 🙏🏼❤️," pangwakas na talata ni Pokwang.

Nakasarado ang comment section ng post kaya walang mga netizen na "sumawsaw" at nagpahayag ng kanilang reaksiyon at saloobin kaugnay nito.

Bandang Disyembre noong 2023 nang lumabas ang desisyon tungkol sa deportation case na pumapabor sa panig ni Pokwang.

"The Bureau of Immigration has ordered the deportation of actor Lee O’Brian, the former partner of actress Pokwang, for violating the terms and conditions of his stay in the country by working in movie and TV projects," saad sa pahayag na inilabas ng BI.

"Isang tagumpay para sa Pilipino at sa kababaihan. Mabuhay po, Mamang @pokwang27. ❤️ Happy to be of service to you," ani Atty. Calinisan.

"Justice served" naman daw ito para kay Pokwang na niretweet din ang artikulo.

"Thank you atty @ralph_calinisan yes!!!!!" anang Pokwang.