Int'l surfing competition sa La Union, pampalakas ng ekonomiya -- DOT
Hindi lang makatutulong ang World Surf League (WSL) sa paglakas ng ekonomiya ng Region 1 kundi mapapaunlad pa nito ang kultura at mga atleta nito, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Ang pagiging host ng La Union sa WSL International Pro Tour ay pagpapakita lamang sa pangako ng lalawigan na gawin itong prime surfing destination para sa mga surfer sa buong mundo, ayon kay DOT Region 1 Director Jeff Ortega.
"To have the WSL or World Surfing League dito, isa itong malaking karangalan dahil nakakatulong ito sa mga business para kumita sila, maraming turista na puwedeng bumisita dito, mga foreign, domestic, at the same time, may mga athlete tayo na nakaka- participate ngayon sa world qualifiers abroad because nagkakaroon sila ng chance na maipakita ang galing nila dito sa local area of La Union,” ani Ortega.
Sa 105 na kalahok sa liga, nasa 41 ang Pinoy na mula sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Dati nang naging host ang La Union sa unang pagdaraos ng WSL noong Enero 20-26, 2023.