Nanawagan si Senador Koko Pimentel na suspendihin muna ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), at habang sinisiyasat ang programa ay dapat daw na konsultahin ang mga operator at tsuper ng jeep dahil sila umano ang tunay na nakakaalam ng pang-araw-araw nilang suliranin kaugnay nito.

Matatandaang nitong Miyerkules, Enero 24, nang ianunsyo ng pamahalaan na pinagbigyan ni Marcos ang rekomendasyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na magbigay pa ng tatlong buwan na hanggang Abril 30, 2024 para sa franchise consolidation ng PUVs.

MAKI-BALITA: PUV franchise consolidation deadline, extended hanggang Abril 30, 2024 — Malacañang

Sa panayam naman ng ANC kay Pimentel nitong Huwebes, Enero 25, sinabi ng senador na ang naturang pagpapalawig ng deadline ay isang “welcome development” ngunit kulang daw ito dahil mas mabuti raw sanang suspendihin ang programa.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“If it’s an extension, that means the program is still there. The details of the program are the ones giving our drivers and operators the problems or their problem,” ani Pimentel.

Binanggit din ng senador na sa ilalim ng PUVMP, hindi na maaaring ibigay sa indibidwal ang prangkisa, dahil kailangan na umano itong nasa kooperatiba. Bukod dito, mayroon daw minimum specifications ang mga bagong jeep.

“Although this (bagong deadline) gives DOTr time to revisit the program, sana sinuspend ang programa. Suspended ang programa, revisit the program. Look at the details, micro ang pagtingin, hindi lang ‘yung macro na ‘Gaganda ang polusyon natin, babawas,’ ganon lang. Dapat micro, paano ‘yung pang-araw-araw ng kita ng mga driver,” giit ni Pimentel.

Samantala, ayon pa sa senador, sa kasalukuyan kung saan mayroon daw dalawang buwan ang pamahalaan bago ang itinakdang deadline ng franchise consolidation, nararapat lamang daw na isangkot na nila ang mga operator at tsuper ng jeep sa pagsisiyasat ng programa.

“Massive, extensive, serious and deep consultation with the drivers and operators, kasi sila naman talaga ang may alam ng katotohanan dito eh. Kahit akong senador hindi ko naman alam ano ‘yung pang-araw-araw na struggles ng jeepney drivers and operators,” ani Pimentel.

”Kahit ‘yung nasa DOTr na nasa air condition na opisina, na sumulat nitong programang ito, na paggamit niya ng calculator, sabi niya: ‘Oh kaya namang bayaran.’ Pero kailangang konsultahin nila ‘yung jeepney drivers and operators. Sila ang may alam ng everyday struggles po nila,” saad pa niya.

Taong 2017 nang simulan ng DOTr ang PUVMP. Ngunit tutol dito ang mga jeepney driver at mga operator dahil masyado umanong mahal ang modern jeepneys na maaari daw umabot sa mahigit ₱2 milyon.