Puspusan na ang paghahanda ng Manila Fire Bureau at ng TXTFire Philippines para sa nalalapit na Fire Prevention Month.

Kaugnay nito, pinaalalahanan din nina Bureau of Fire Protection-Manila Fire Marshall Senior Superintendent Christine Doctor-Cula at Gerik Chua, co-founder ng TXTFIRE Philippines, ang mga mamamayan sa mga dapat at hindi dapat gawin sa panahon ng sunog.

Sa kanilang pagdalo sa buwanang 'MACHRA Balitaan' na isinagawa ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) sa Harbor View Restaurant nitong Biyernes, sinabi nina Cula at Chua na kaagad na itawag sa kanilang tanggapan, kung may nagaganap na sunog upang kaagad itong marespondehan.

Mayroon kasi anilang ilan na sa halip na kaagad na magreport ay inuunang i-video o i-live sa social media ang sunog.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sinabi ni Cula, na kauna-unahang babaeng fire marshall ng Manila Fire Bureau, na ang BFP ay maaaring tawagan sa emergency number na 911 at sa kanilang hotline na 09853999118 habang sinabi naman ni Chua na ang TXTFire Philippines ay maaring makontak sa 0918688888 (text only) at 09225611111.

Umapela rin si Cula sa publiko na huwag namang sirain ang mga tubo ng tubig kung may sunog dahil makakabawas ito sa pressure ng tubig, na gagamitin nila sa pagpatay sa apoy.

Hindi rin aniya dapat na agawin ang mga hose ng mga bumbero o kaya’y i-harass ang mga ito dahil mas alam ng mga ito ang kanilang dapat gawin para sa mas mabilis na pag-apula ng apoy.

Kwento niya, may ilang residente ang nang-aagaw ng hose ng mga bumbero upang bombahin ang kanilang bahay.

Mayroon din aniyang mga nasusunugan na inaaway ang mga bumbero kung ibang bahay ang inuunang bombahin ng tubig.

Paliwanag ni Cula, ang mga bumbero ay sumasailalim sa training at kabilang umano sa itinuturo sa kanila ay i-salvage o sagipin ang mga tahanang kaya pang sagipin upang hindi na dumami pa ang mga ari-ariang tutupukin ng apoy.

Samantala, sinabi naman ni Chua na sa panahon ng sunog ay dapat na panatilihin ng mga residente ang kanilang ‘presence of mind’ at huwag mag-panic upang maging malinaw sa kanila ang mga hakbang na gagawin upang iligtas ang kanilang mga sarili at mga ari-arian sa sunog.

Hindi rin aniya dapat na iharang ng mga residente sa kalye ang kanilang mga isinasalbang gamit upang hindi makaistorbo sa mga bumbero.

Samantala, sa nasabi ring forum, tiniyak nina Cula at Chua na walang alitan sa pagitan ng mga firefighters ng pamahalaan at ng mga volunteers at sa halip ay nagkakasundo sila.

Binigyang-diin ng mga ito na iisa lamang kanilang kalaban at ito ay ang sunog.

Kinilala rin ni Cula ang malaking tulong na nagagawa sa kanila ng mga TXTFire volunteer firefighters upang hindi na lumaki ang sunog sa isang lugar.

Ayon kay Cula, sa Maynila pa lamang ay may kabuuan nang 236 fire trucks at 2,300 volunteers na tumutulong sa kanila sa pag-apula ng apoy.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Chua na mayroong 200 grupo sa ilalim ng TXTFire at kahalintulad na bilang ng mga firetrucks na ‘ready for dispatch’ kung kinakailangan.

Pinayuhan din nila ang publiko na tiyaking may mga nakaantabay na fire extinguisher sa kanilang mga tahanan dahil malaking tulong anila ito upang kaagad na maapula ang maliliit na sunog at nang hindi na lumaki pa.