Kumbinsido si Senador Imee Marcos na ang kaniyang pinsang si House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod umano ng People’s Initiative (PI) campaign na nag-aalok sa legislative districts ng milyun-milyong halaga kapalit ng pirma ng kanilang mga nasasakupan.
Sa isang press conference nitong Biyernes, Enero 26, sinabi ni Marcos na naniniwala siyang si Romualdez ang nasa likod ng signature campaign para sa Charter Change (Cha-cha) na naglalayong amyendahan ang 1987 Konstitusyon.
“Definitely, ‘yung opisina niya ‘yung nag-alok ng ₱20 million kada distrito, definitely nanggaling sa kanila yung very attenuated timeline na July 9 tapos na ang lahat,” ani Marcos.
“So definitely, that derived from his office with very clear numbers identifying the staff members and attorneys involved,” dagdag pa niya.
Matatandaang iginiit kamakailan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na isang kongresista raw ang nagsabi mismo sa kaniya na si Romualdez ang nasa likod ng nasabing PI campaign.
Itinanggi naman ni Romualdez kamakailan ang naturang “alegasyon” ni Dela Rosa.