Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Enero 26, dahil sa northeast monsoon o amihan at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Eastern Visayas at Caraga dulot ng shear line o ang “boundery line” kung saan nagsasalubong ang malamig at mainit na hangin.

Malaki naman ang tsansang magdudulot ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Bicol Region, Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, Romblon, Marinduque, Aklan, at Capiz.

Pinag-iingat ang mga residente rito dahil sa posible raw pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Bukod dito, posible rin daw na magdala ang amihan ng maulap na kalangitan na may katamtamang mga pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, at ng medyo maulap hanggang maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Metro

DENR-NCR, atbp nag-waterway ops, cleanup drive kontra basura

Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa nasabing mga lugar.

Samantala, inihayag ng PAGASA na maaaring makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.

Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa ngayon ay wala raw minomonitor ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Maliit na rin umano ang tsansang magkakaroon ng bagyo sa PAR hanggang matapos ang buwan ng Enero.