Kaya raw patunayan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades Robles na walang anomalya sa operasyon ng lotto kasunod ng pagdududa ng ilan sa sunod-sunod na mga nananalo ng jackpot prizes sa loob lamang ng isang buwan.

"It (lotto) cannot be manipulated, kaya naming patunayan 'yan," ayon kay Robles, sa isang panayam sa Teleradyo Serbisyo nitong Biyernes.

Ipinaliwanag pa ni Robles na ang lotto ay isang game of chance at walang paraan upang ma-predict kung sino ang mananalo dito.

Maging ang mga taga-PCSO nga aniya ay tumataya rin ng lotto na tiyak aniyang hindi nila gagawin kung batid nilang may ‘alingasngas’ na nagaganap dito.

PCSO, aminadong edited ang viral photo ng lotto winner

Sinabi rin ni Robles na hindi maaaring ibunyag ng PCSO ang mga pangalan ng mga nanalo sa lotto para sa proteksiyon ng mga ito.

Gayunman, maaari raw nila itong gawin kung maglalabas ng subpoena dito ang Senado.

Tiniyak naman niya na ang lahat ng nananalo sa lotto ay kinukunan ng larawan nang walang takip sa mukha at ipinakikita ang mga ito sa Commission on Audit (COA) na siya namang nagche-check nito.

Bago naman daw nila ito isapubliko ay ini-edit nila ang larawan, tinatakpan ang mukha ng mga nanalo at pinapalitan ang damit upang walang makakilala sa kanila.

Matatandaang una nang naging kontrobersiyal ang isang larawan ng nanalo sa lotto na ipinaskil ng PCSO sa kanilang social media account dahil sa ‘poor editing’ nito.

Nagsagawa rin naman ng imbestigasyon ang senado sa PCSO matapos na sunud-sunod na mapanalunan ang kanilang mga papremyo.

Sinabi naman ni Robles na bukas sila sa anumang imbestigasyon dahil kaya nilang patunayang walang anomalya sa kanilang operasyon.

Una na rin namang inimbitahan ni Robles ang mga senador upang personal na maobserbahan ang operasyon ng lotto, partikular na ang pagbola dito, upang makabuo sila ng sariling konklusyon at rekomendasyon.

https://balita.net.ph/2024/01/23/mga-senador-inanyayahan-ng-pcso-na-personal-na-obserbahan-ang-proseso-ng-lotto/