Inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na pinalawig pa ng city government ang deadline para sa paghahain ng aplikasyon sa business permits at lisensiya, gayundin ang pagbabayad ng mga taxes and fees.

Ayon kay Lacuna, layunin nitong mabigyan pa ng karagdagang panahon ang mga business owners at mga taxpayers ng lungsod upang i-settle ang kanilang mga bayarin.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sinabi ng alkalde na ang ekstensiyon ay nakasaad sa resolusyong ipinasa ng Manila City Council noong Enero 18, 2024 at inihain ni Majority Floor Leader Ernesto “Jong” Isip, Jr., kung saan si Vice Mayor Yul Servo ang nagsilbing presiding officer.

Sa nasabing resolusyon, ang paghahain ng aplikasyon sa business permits at lisensiya, gayundin ang pagbabayad ng mga taxes and fees ay pinalawig mula sa orihinal na deadline na Enero 23 hanggang sa Pebrero 9, 2024, nang walang anumang surcharge o penalty.

Gayunman, ang mga maghahain sa panahon ng ekstensiyon ay hindi na entitled sa 10% discount na iniaalok lamang hanggang nitong Lunes, Enero 22, 2024.

Ayon naman kay permits bureau chief Levi Facundo, maaaring gamitin ng mga residente ang Go!Manila App., na isang digital platform na nagpapahintulot sa gumagamit nito na makipag-transaksiyon sa frontline city government offices kahit nasa loob lamang sila ng kanilang tahanan.

Sa pamamagitan ng sistema, maaaring magbayad ang mga residente ng real property taxes online at kumuha ng iba’t ibang permits, lisensiya at sertipikasyon na iniisyu ng pamahalaang lungsod.

Ang naturang apps ay maaaring i-download mula sa Google play at Apple App store.