Ibinahagi ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na nagkaroon sila ng pagpupulong sa kinatawan ng Institute of Developing Economies-Japan External Trade Organization (IDE-JETRO) na si Dr. Soya Mori patungkol sa implementasyon ng Republic Act (RA) 11106 sa bansa.

Ang RA 11106 ay may pamagat na "An Act Declaring The Filipino Sign Language As The National Sign Language Of The Filipino Deaf And The Official Sign Language Of Government In All Transactions Involving The Deaf, And Mandating Its Use In Schools, Broadcast Media, And Workplaces."

Ayon sa press release ng KWF, pinangunahan ang panayam nina Komisyuner Benjamin M. Mendillo at Komisyuner Carmelita C. Abdurahman kasama ang yunit ng FSL o Filipino Sign Language.

Layunin daw ni Dr. Mori na malaman ang kalagayan ng adbokasiya sa FSL at ang implementasyon ng RA. 11106 sa Pilipinas.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Samantala, may patimpalak ang KWF patungkol dito na tinawag na "Timpalak sa Tulâng Senyas."

Ayon sa Facebook page ng komisyon, ang Timpalak sa Tulâng Senyas ay kauna-unahang timpalak na binuksan sa madla ng KWF sa pagtulâ sa pasenyas na paraan. Itinataguyod ito ng KWF na naglalayong palaganapin ang FSL bílang tunay na wika, pagsulong ng Filipino Deaf culture sa pamamagitan ng panitikan, kilalanin at bigyang-puwang ang di-matatawarang kakayahan at husay ng mga kababayang Deaf, at makapag-ambag sila sa panulaang Filipino ng kanilang obra sa pamamagitan ng pasenyas na pagtulâ.

Bukás ang timpalak sa lahat ng mga Pilipino na bingi o hard-of-hearing na matatas sa FSL, babae man o laláki, maliban sa mga kawani na ng KWF at kanilang mga kaanak.

Para sa iba pang mga detalye at impormasyon, bisitahin lamang ang FB page ng komisyon.