Nakatakdang magdaos ang Manila City Government ng kasalang bayan sa Hunyo 2024.

Kaugnay nito, inanyayahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga Manilenyong gustong magpakasal na magparehistro na sa Kasalang Bayan, na sponsored ng pamahalaang lungsod hanggang sa reception nito.

Aniya, ang mga interesadong lumahok ay maaaring magtungo sa tanggapan ng Manila City Civil Registry na pinamumunuan ni Encar Ocampo o di kaya ay magpadala ng mensahe sa kanilang Facebook page upang malaman ang mga kinakailangang detalye o impormasyon at mga requirements para mapasama sa listahan.

Sinabi naman ni Ocampo na ang mga registrants ay kanilang aasikasuhin ng 'first come, first served' basis dahil limitado lamang ang slots para dito.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Nabatid na noong nakaraang taon, umaabot sa 102 couples ang ikinasal ni Lacuna at inisponsoran ang church wedding ng 60 iba pa.

Tulad ng dati, sagot ng alkalde ang lahat para sa kasalang bayan at wala ni singkong gagastusin ang mga magpapakasal.

Hindi na rin aniya kailangan pang problemahin ng mga ito ang mga ordinaryong pinagkakagastusan sa isang kasal, kasama na rito ang mga documentary expenses, wedding rings, kandila, bulaklak, belo, aras, venue, transportation at maging ang reception.

Bukod dito, binibigyan din ng alkalde ang mga newly-wedded couples ng pocket money at regalo para sa kanilang kasal.

Pabiro namang sinabi ni Lacuna na ang hindi lamang niya sagot ay ang suot at mapapangasawa ng mga ikakasal.