Iniulat ng isang Obispo ng Simbahang Katolika na pinagkalooban na ni Pope Francis ng titulong Minor Basilica ang isang national shrine sa Nueva Ecija.
Ayon kay Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud, labis ang kanilang kagalakan at pagdiriwang dahil ganap nang minor basilica ang National Shrine of La Virgen Divina Pastora sa Gapan City, na siyang pinakamatandang simbahan sa Diocese of Cabanatuan.
Nabatid na ito na ang ika-22 Minor Basilica sa bansa at kauna-unahan naman sa buong lalawigan ng Nueva Ecija, na may dalawang ecclesial territories, kabilang ang Diocese of San Jose.
“We rejoice heartily because this special blessing was granted to us while the diocese is celebrating its 60th anniversary of its foundation,” ani Bancud sa isang pahayag nitong Lunes.
Aniya pa, “A minor basilica is a church that has a particular bond with the pope and the church of Rome, and is considered as an exemplar in liturgical and pastoral action in the diocese.”
Nabatid na ang pagdiriwang sa bagong titulo ng simbahan ay isasagawa sa Abril 26, sa pamamagitan ng isang banal na misa, na pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.
Isasabay ito sa selebrasyon ng ika-60 anibersaryo ng canonical coronation ng imahe ng La Virgen Divina Pastora, at sa ika-38 anibersaryo ng pagkakadeklara sa simbahan bilang isang national shrine.
Inatasan naman na ni Bancud ang rector ng bagong basilica na si Fr. Aldrin Domingo na siguruhing ang mga mananampalataya ay ‘properly catechized’ at ang simbahan ay ‘specially prepared’ para sa napakahalagang okasyon.
Ang shrine na kilala bilang Three Kings Parish canonically, ay itinatag ng mga Augustinians missionaries noong 1595.
Early 1700s nang isang Augustinian friar ang naitalang nagdala ng estatwa ni Blessed Virgin Mary mula sa Espanya patungo Gapan.
Pinangalanan umano ito ng mga prayle bilang “Virgen Divina Pastora” dahil ang kapaligiran ng Gapan ay nagsisilbing malawak na pastulan ng iba’t ibang uri ng hayop.