"Pera na nga, magiging abo kaya?"
Matapos ang sunod-sunod na kontrobersiya sa panalo ng lotto sa mga nagdaang buwan, muling binalikan ng mga netizen ang kuwento naman ng isang dating OFW na nagngangalang Antonio Mendoza, na sinuwerteng manalo sa lotto ng tumataginting na ₱12,391,600.00.
Bakit nga ba hanggang ngayon, hindi pa niya napapakinabangan ang perang sana'y magpapabago na sa kaniyang buhay?
Ayon sa pagtatampok sa kaniya sa isang award-winning magazine show ng GMA Network noong Oktubre 2023, ang limpak-limpak na pera, hindi naging bato, kundi tila naging abo na.
Aksidenteng nasunog kasi ang 6/42 lotto ticket nila nang malukot ito't pinilit isalba sa pamamagitan ng pagplantsa, pero parang mas napasama pa.
First-time bettor si Antonio kaya ganoon na lamang ang saya niyang makitang nakopo niya ang winning number combinations, pero tila nanadya ang tadhana dahil nalukot daw ng kaniyang apong isang taong gulang ang tiket.
Nataranta ang anak na si Roxanne kaya pinalantsa niya ang lotto ticket para mawala ang lukot, pero nasunog nga ang bahagi ng lotto ticket kung saan nakalagay ang mga numerong tumama maging ang ticket serial number.
Mahigpit ang panuntunan ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO na hindi puwedeng i-release ang premyong pera kung walang maipakikitang ticket.
Kahit na may sertipikasyon mula sa lotto outlet na pinagbilhan ni Antonio na doon galing o binili ang ticket, hindi pa rin pumayag ang PCSO na ibigay sa kaniya ang pera.
Hanggang sa nakialam na ang korte rito, at nakarating pa sa Korte Suprema. Pumabor ang Korte Suprema kay Antonio at inatasan ang PCSO na ibigay na sa kaniya ang napanalunang premyo.
Nakabalik na sa Pilipinas si Antonio matapos mangibang-bansa ulit, nang malamang nagdesisyon na nga ang kataas-taasang hukuman na puwede na niyang kunin ang cash prize, lalo't kailangang-kailangan niya ito para sa kaniyang pagpapagamot sa sakit na diabetes.
Ngunit bakit nga ba hindi pa maibigay ng PCSO ang premyo niya kahit noong Marso 13, 2023 pa nagbaba ng desisyon ang SC tungkol dito?
Sa panayam ng Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) kay PCSO General Manager Mel Robles, nilinaw niyang as of October 2023 (kung kailan umere ang nabanggit na episode) ay wala pa silang natatanggap na abiso mula sa Korte Suprema.
Kung darating na ito sa kanila, wala naman daw magiging problema. Hindi rin daw nila inipit ang premyong makukuha ni Antonio. Sumusunod lamang daw sila sa mga alituntunin.
Noong Oktubre 25, 2023 ay nagkaharap sina Antonio, ang kaniyang misis, at si Robles matapos magsadya ang dalawa sa tanggapan ng PCSO.
"I assured him that I will expedite the process of his claim. Kailangan lang may certificate of finality from SC. I will make sure that he enjoys the fruits of his winnings ASAP. I wanted to put a closure on this issue,” anang PCSO GM Robles.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang update kung naibigay na ba kay Antonio ang kaniyang inaasam-asam na premyo.
Pero ang mahalaga, hindi mauuwi sa abo ang nabanggit na premyo dahil anumang oras o araw, makakamit na niya ang premyong deserve na para sa kaniya, na halos hinintay niya sa loob ng ilang dekada.