Inaanyayahan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga senador upang personal na obserbahan ang proseso ng operasyon ng lotto sa bansa, partikular na ang pagbola dito.

Nabatid na nagpadala na si PCSO General Manager Melquiades Robles ng liham-paanyaya sa mga miyembro ng Senate Committee on Games and Amusements upang personal na obserbahan ang proseso sa pagbola ng lotto at makagawa ng obdiyektibong konklusyon at rekomendasyon dito.

Ang liham ay may petsang Enero 22, 2024 at naka-address kina Committee chairperson Sen. Manuel Lapid, vice chairpersons Sen. Christopher ‘Bong’ Go, at Sen. Raffy Tulfo, gayundin sa mga committee members na sina Senators Jose Ejercito Jr., Francis ‘Chiz’ Escudero, Ramon Bong Revilla Jr., Francis Tolentino, at Risa Hontiveros.

Sa naturang liham, nakasaad ang imbitasyon ng PCSO sa mga senador upang saksihan ang buong proseso ng lotto draw, mula sa pre-draw preparations hanggang sa mismong aktuwal na pagbola.

National

Bulkang Kanlaon, halos 2 oras nagbuga ng abo — Phivolcs

Para naman sa interes ng transparency, tiniyak ni Robles na bukas ang imbitasyon sa kahit anong lotto draw at sa anumang araw na nais ng mga senador na makita ang mga ito, kahit na walang anumang paunang paabiso.

Kung magpapadala naman umano ng kinatawan ang mga senador, ay maaaring padalhan na lamang nila ang mga ito ng opisyal na written authorization.

Kaugnay nito, nagpahayag si Robles ng kumpiyansa na ang proseso ng lotto sa bansa ay walang kapintasan.

Aniya, ang pinakamahusay aniyang paraan upang mabura ang anumang pagdududa ng mga senador laban sa integridad ng resulta ng lotto draws ay ang personal nilang makita kung paano ito isinasagawa.

“The PCSO for the past 89 years has kept its integrity beyond question. And we are committed to following that unsullied reputation," pagtiyak pa ni Robles. “That's why we are inviting our honorable senators for them to see how the actual processes work."

Hinikayat pa ni Robles ang mga senador na gawing ‘unannounced’ ang inspeksiyon upang tuluyan nang mawala ang anumang mga pagdududa sa integridad ng operasyon ng lotto.

Paniniguro pa ni Robles, “We are committed to openness and accountability in the conduct of all our lottery activities. We believe that fostering transparency in the lotto draw process is crucial in maintaining public trust and confidence in the integrity of our operations.”