Nag-isyu ang Senate committee on women ng subpoena laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy matapos itong hindi sumipot sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga akusasyon ng pang-aabusong kinahaharap ng religious group.

Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na nagpadala na sila ng dalawang imbitasyon kay Quiboloy, ngunit wala raw itong kasagutan.

"Dahil nakapagpadala po ng dalawang imbitasyon, one by LBC and one by registered mail, pero walang sagot at attendance ni Pastor Quiboloy, the chair would move to subpoena Pastor Apollo Carreon Quiboloy for the next hearing of this committee," ani Hontiveros na siyang nanguna sa imbestigasyon ng Senate committee.

Naiuugnay ang KOJC sa mga kasong human trafficking, rape, sexual abuse, at child abuse.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, isang Pilipino at dalawang Ukrainians na umano’y kasama sa mga biktima ang humarap sa pagdinig upang ilahad kung paano umano sila pinagsamantalahan ni Quiboloy.

Kaugnay nito, nanawagan si Hontiveros kay Quiboloy na humarap na sa susunod na pagdinig dahil hindi raw ito “anak ng Diyos na exempt sa awtoridad ng estado.”

“Kayo, Pastor, ang dapat humarap sa susunod na pagdinig, because you are being subpoenaed by this committee. ‘Di po kayo anak ng Diyos na exempt sa awtoridad ng estado,” giit ng senador.

“Kawalan ng galang sa buong institusyon ng Senado ang inyong pagtangging humarap. Higit pa, hindi po ito religious persecution. Ito ay pagsisiyasat sa paggamit sa paniniwala, pananalig o pananampalataya ng iba, para gumawa ng mga kasuklam-suklam na abuso at pinsala sa mga taong binaluktot ang paniniwala, tinanggalan ng lakas, at pinagsamantalahan,” saad pa niya.