Ipinasara na ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes ang tanggapan sa Maynila ng isang kumpanya na nakabase sa Dubai at sinasabing sangkot umano sa illegal recruitment at nag-aalok ng pekeng trabaho sa Italy at Malta.
Pinangunahan ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo J. Cacdac ang closure sa tanggapan ng Legal Connect Travel Consultancy na matatagpuan sa Unit 705, DHC Real Estate Lessor Building, No. 1115 EDSA, Barangay Veterans, Quezon City.
Ayon kay Cacdac, “Walang legal na ginagawa ang LEGAL CONNECT TRAVEL CONSULTANCY na kilala rin bilang LEGAL CONNECT TRAVEL SERVICES – sa katotohan ay illigal lahat ang aktibidad nila – illegal recruitment, illegal collection ng fees, lahat illegal.”
Nabatid na ipinasara ng DMW ang tanggapan base sa tatlong reklamong natanggap ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), na kinabibilangan ng dalawang reklamo mula sa mga Dubai-based na overseas Filipino workers (OFWs) at isang aplikante mula sa Maynila.
Batay sa complaint ng mga ito, hindi na umano inaaksiyunan ng Legal Connect ang kanilang aplikasyon matapos na makakolekta ang kumpanya mula sa kanila ng malaking halaga ng placement fees.
Sinabi ng DMW na ang Legal Connect ay nag-o-operate ng walang balidong lisensiya mula sa kanilang tanggapan.
Nanghihikayat din umano ito ng mga aplikante na pinapangakuan nila ng agricultural jobs gaya ng fruit at vegetable pickers, dairy farm workers, o 'di kaya ay caregivers sa Italy at hotel crew service jobs sa Malta.
Nag-aalok umano ito ng monthly salaries na mula P60,000 hanggang P100,000 ngunit ang “processing” fees naman na sinisingil ay mula P250,000 hanggang P380,000.
Nangungolekta rin umano ito ng initial “placement” fee na mula P80,000 hanggang P100,000, habang ang balanse naman ay babayaran ng installments.
Pinaghihintay umano nito ang mga aplikante ng anim hanggang walong buwan para maiproseso ang aplikasyon at maipasok ng trabaho, ngunit hindi naman ito naisasakatuparan.
Ayon sa DMW, ang mga opisyal at tauhan ng Legal Connect ay mahaharap sa seryosong kaso ng illegal recruitment na isinagawa ng isang sindikato, na may katapat na parusang life imprisonment at multang mula P2,000,000 hanggang P5,000,000.
Bilang karagdagan, sila ay isasama rin sa blacklist at hindi na pahihintulutang makalahok sa overseas recruitment program ng pamahalaan.
Samantala, inatasan din ni Cacdac ang Migrant Workers Office ng DMW sa Dubai (MWO-Dubai) na makipagtulungan sa mga law enforcement officials sa United Arab Emirates (UAE) upang maimbestigahan pa ang illegal na aktibidad ng Legal Connect doon.
Hinikayat din naman ni Cacdac ang iba pang posibleng nabiktima ng kumpanya na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa pamamagitan nang pagkontak sa ng MWPB o sa email address na https://www.facebook.com/