Sinagot ni House Speaker Martin Romualdez ang “alegasyon” ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na siya umano ang nasa likod ng inisyatibang amyendahan ang 1987 Konstitusyon sa pamamagitan ng People’s Initiative (PI).
Sa isang panayam na inulat ng Manila Bulletin nitong Lunes, Enero 22, iginiit ni Dela Rosa na isang kongresista raw ang nagsabi mismo sa kaniya na si Romualdez ang nasa likod ng nasabing PI campaign.
“‘Yun ang sabi sa akin ng congressman eh. Hindi ko na sasabihin kung sino, baka mamaya magalit sa kaniya, pagalitan siya,” ani Dela Rosa.
“Following orders lang daw sila. So, mahirap din na sisihin sila, pero kung tutuusin pwede talagang sisihin.
“Bakit ba porke’t orders, sunod ka lang nang sunod? Makikinabang ka rin siguro diyan sa order na ‘yan, bakit ka sumunod,” saad pa niya.
Samantala, inalmahan naman ni Romualdez ang naturang mga paratang umano ni Dela Rosa.
“No orders,” mariing sagot ni Romualdez sa isang ambush interview sa Quezon City nitong Lunes.
"I dont know what he (Dela Rosa) is talking about. He does not mention any congressman," saad pa niya.
Isa si Dela Rosa sa mga senador na naghayag na ng pagtutol sa nagpapatuloy na PI signature campaign, kung saan tinatanong daw ang mga tao kung pabor silang amyendahan ang 1987 Konstitusyon.
Naglabas na rin ang Senado ng pahayag nitong Martes, Enero 23, para tutulan ang nasabing PI campaign.
Kaugnay nito, matatandaang ipinahayag naman ni Vice President Sara Duterte kamakailan na patuloy umanong isinasagawa araw-araw ang “Pera kapalit ng pirma para sa People’s Initiative” sa Davao City at iba pang bahagi ng bansa.
https://balita.net.ph/2024/01/19/vp-sara-kinondena-mga-bumibili-ng-pirma-para-sa-pi-cha-cha/