Nagsalita na ang umano'y anak ng 50-anyos na security guard na pinugutan ng ulo sa loob ng isang car dealership center noong araw ng Pasko.
Pinag-uusapan ngayon ang TikTok video at Facebook post ni Leira Denisse na nagpakilalang anak ni Alfredo Valderama Tabing, security guard na pinugutan ng ulo sa Ford Service Center sa Balintawak, Quezon City, dahil sa ibinahagi nitong detalye tungkol sa pagpatay sa kaniyang butihing ama noong Disyembre 25.
Kuwento nito, sa loob ng halos limang taong pagtatrabaho ng kaniyang ama sa car dealership ay naging tapat umano ito sa serbisyo. Gigising daw ito ng alas singko ng umaga para maghanda sa pagpasok sa trabaho gamit ang bisikleta mula Tondo sa Maynila patungong Balintawak.
Dagdag pa niya, "Para sa maliit na sweldo, ang tatay ko ay naka-duty ng 24 oras at kung minsan naman, nagtitiis ng 36 na oras dahil hindi kayang pumasok ng kaniyang kapalitan."
Nitong Lunes, Enero 24, kinilala na ng pulisya ang 'di umano'y dalawang suspek sa pagpatay kay Tabing. Ito'y sina Michael Caballero, driver sa car dealership; at Joemar Ragos Organes, staff at taga timpla ng kape sa mga customer, na pawang mga katrabaho ng biktima.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, ayon sa ulat ng GMA News, lumilitaw na plinano ng mga suspek na pagnakawan ang dealership dahil nakabenta umano ang ahente ng dalawang sasakyan.
"Noong [December] 23 kasi, nakapagbenta 'yong agent d'yan ng dalawang sasakyan. So as empleyado d'yan, malalaman mo 'yan, lalo na 'yong isa ay driver at 'yong isa naman ay barista 'yong suspek natin dyan," pahayag ni Criminal Investigation and Detection Unit-Quezon City Police District chief Police Major Don Llapitan sa GMA News.
"Sa ating assessment, maaaring ayaw ng guwardiya or pinigilan niya 'yong krimen na gagawin, kasi kakilala niya eh. Siguro nagtiwala siya, kaya walang struggle kung saan siya namatay. At walang forced entry," dagdag pa niya.
Ayon kay Leira Denisse, itinuring ng kaniyang ama na kumpare si Organes. Bumibiyahe pa raw ang ama papuntang Caloocan kapag day off para makipag-inuman at makipag-kwentuhan umano sa suspek.
Ang ikinagagalit pa ng anak ng biktima ay nagawa pa raw mag-chat ni Organes ng "Merry Christmas, Par" sa kaniyang ama matapos itong patayin. Kuwento pa niya, bago pa raw umalis sa pinangyarihan ng insidente ay nagawa pa umano kainin ng mga suspek ang mga delatang pasalubong dapat sa kanila ng kaniyang ama.
"Nakuha pang gumawa ng alibi. Bago pa nga umalis sa crime scene, nagawa pa nilang kainin 'yong mga delatang pasalubong SANA ng tatay ko sa amin kung maayos lang sana siyang nakauwi nung pasko."
Naglabas din ng saloobin si Leira Denisse ng pagkagalit sa pamunuan ng Ford Balintawak.
"Bago ko tapusin ito, gusto ko lang din malaman ninyo kung gaano kawalang-hiya ang FORD BALINTAWAK," aniya.
"Una sa lahat, ang Ford Balintawak, ay main branch pero ni isa sa mga CCTV nila ay hindi gumagana simula Pebrero 2022. Pangalawa, ang kanilang main door papuntang showroom ay isang improvised lang na malaking tabla. Pangatlo? Tatlong security guard ang naka-duty sa umaga, at ISANG SECURITY LANG DAPAT SA GABI (dahil nagtitipid daw sila).
"Pang-apat? Base sa mga pulis, si Caballero ay mayroon nang warrant of arrest dati at ang lahat ng dokumentong pinasa niya sa Ford ay gawang Recto lang. Take note na siya ay trabahador ng Ford simula 2016," pagdetalye pa nito.
Sinabi rin nito na wala rin daw silang natanggap ni isang pasensya o simpatya mula sa kumpanya.
"Ang sakit. Bakit pinrotektahan ng tatay ko ang kumpanyang wala namang pakielam sa kanya? Simula't sapul na namatay ang tatay ko, ni isang pasensya o simpatya, wala kaming natanggap sa kanila. Tuloy pa din sa pag-operate na parang normal lang 'yong pagpatay na naganap sa tauhan nila.
"Bakit? Dahil ISANG SECURITY GUARD LANG ANG NAWALA? MGA KAPITALISTA! Alam kong walang nakakatakas sa batas, at ang hustisya ay para sa lahat! Kaya sa lahat ng taong makakabasa nitong post ko, pwede ninyong ipagbigay alam sa QCPD kung mayroon kayong impormasyon kung nasaan ang mga suspek na ito," dagdag pa niya.
Habang isinusulat ito, wala pang pahayag ang naturang car dealership at patuloy pa ring pinaghahahanap ng pulisya ang mga suspek
Pumalo na rin sa 437K likes, 25.4K comments, at 31.3K shares ang naturang TikTok video habang nasa 1K likes, 9 comments, at 1.1K shares ang Facebook post.