Isang nakadudurog na mensahe ang ibinahagi ni Leira Denisse para sa kaniyang ama na si Alfredo Valderama Tabing, security guard na pinugutan ng ulo sa Ford Service Center sa Balintawak, Quezon City, noong Disyembre 25.

Nauna nang ibinahagi ni Leira na sa loob ng halos limang taong pagtatrabaho ng kaniyang ama sa car dealership ay naging tapat umano ito sa serbisyo. Gigising daw ito ng alas singko ng umaga para maghanda sa pagpasok sa trabaho gamit ang bisikleta mula Tondo sa Maynila patungong Balintawak.

Dagdag pa niya, “Para sa maliit na sweldo, ang tatay ko ay naka-duty ng 24 oras at kung minsan naman, nagtitiis ng 36 na oras dahil hindi kayang pumasok ng kaniyang kapalitan.”

Maki-Balita: Anak ng sekyu na pinugutan ng ulo, nagsalita; isa sa mga suspek, kaibigan pa ng biktima?

Anak ng sekyu na pinugutan ng ulo, nagsalita; isa sa mga suspek, kaibigan pa ng biktima?

Sa isang TikTok video, ibinahagi niya ang mensahe para sa kaniyang yumaong ama.

"August 2022. May isang Psychology student kang napagraduate. Ito rin 'yong mga oras na sobrang proud ka at sinabi mong ang sarap sa puso kasi gano'n pala ang pakiramdam kapag may napagraduate kang anak," ani Leira.

Gayunman, humingi ito ng pasensya sa kaniyang ama dahil habang nagkakasiyahan sila noong Kapaskuhan noong nakaraang taon ay may karumal-dumal na pa lang nangyayari sa kaniyang ama.

"Pasensya ka na papa ha. Hindi ko alam. Wala kaming alam. Habang nagsisiyahan kami rito sa bahay, gano'n na pala ang nangyayari sa'yo sa trabaho. Ang sakit. Parang dinudurog nang paulit-ulit ang puso ko. Hanggang ngayon, feeling ko anytime uuwi pa rin," saad ni Leira sa video.

Bukod dito, ibinahagi rin niya ang huling birthday message sa kaniya ni Alfredo.

"Huling bati mo sa akin noong birthday ko na hanggang ngayon ay iniiyakan ko. Mahal kita papa. Mahal ka namin nila mama," saad ni Leira.

Ito ang naturang mensahe ng kaniyang ama:

"Happy Birthday sa maganda kong anak. Sana mawala na 'yong toyo mo. Huwag kang pabibigla sa mga desisyon mo. Okay lang sa amin na hindi mo bigyan. 'Wag mo lang kaming kakalimutan. Tandaan mo kahit may sarili ka nang pamilya, ikaw pa rin ang bunso namin. I love you."

Sa parehong video, sinabi rin ni Leira na hindi niya alam kung paano pa ipagdiriwang ang darating na Pasko at Bagong Taon gayong wala na nga ang kaniyang ama.

“Hanggang ngayon, hindi ko rin alam kung saan kukuha ng lakas ng loob. Hindi ko rin alam kung paano namin ice-celebrate ang mga magdadaan na Pasko at Bagong Taon ngayong wala na ang tatay ko," aniya.

“Bakit kasi ang unfair ng mundo? Bakit kasi mas nabibigyan ng chance ‘yong masasamang tao? Alam kong hindi perpekto ang tatay ko pero hindi siya masamang tao.”

Maki-Balita: Kahit nailibing na: Ulo ng pinugutang sekyu, di pa rin nahahanap

https://balita.net.ph/2024/01/23/kahit-nailibing-na-ulo-ng-pinugutang-sekyu-di-pa-rin-nahahanap/

Samantala, nitong Lunes, Enero 24, kinilala na ng pulisya ang ‘di umano’y dalawang suspek sa pagpatay kay Tabing. Ito’y sina Michael Caballero, driver sa car dealership; at Joemar Ragos Organes, staff at taga timpla ng kape sa mga customer, na pawang mga katrabaho ng biktima.

Maki-Balita: Anak ng sekyu na pinugutan ng ulo, nagsalita; isa sa mga suspek, kaibigan pa ng biktima?