Naglabas ng saloobin ang showbiz columnist na si Lolit Solis kaugnay sa trending na sinabi ni Coldplay frontman Chris Martin patungkol sa traffic sa Pilipinas, sa kanilang isinagawang concert sa Philippine Arena, Bocaue, Bulacan noong Sabado, Enero 20.
Aniya sa kaniyang Instagram post, kung siya raw ang tatanungin, hindi na siya apektado sa traffic dahil araw-araw naman daw itong kinahaharap sa buhay, at kumbaga, bahagi na ng "kultura."
"Salve presidentita na mukhang lutang pa dahil sa Coldplay concert. Talagang sobra ang mga Pilipino pag humanga kaya nagmukhang 10 rally ang dami ng tao na nanuod. Hindi mo aakalain na mapapalabas mo ang ganuon karaming tao pagkatapos ng pandemic. At talagang wala ng tatalo sa traffic natin na napansin din ng Coldplay ha. Pero dahil siguro may pagka liberal ako, hindi ako apektado ng traffic natin."
"Gaya nga ng sabi ko, kung traffic lang hindi mo matanggap, di lalo na ang mas malaking problema sa buhay. Nandiyan na iyon traffic mula pa nuon, dapat tanggap na ng kultura natin, hindi na dapat ika init ng ulo dahil parte na ng pang araw araw na buhay natin. Huwag na natin isisi sa gobyerno o kahit kanino. Tanggapin na natin at huwag ng ika stress."
Isa pa raw, dapat daw na huwag nang isisi pa sa pamahalaan ang traffic. Mahalin daw ng mga Pilipino ang bansa at sumunod sa mga lider.
"Saka dapat natin gawin mag enjoy na lang habang naiipit sa traffic. Huwag ng idagdag pa sa mga personal mong problema. Naku basta para sa akin anuman gawin ng gobyerno at leader natin dapat inuunawa natin at hindi laging negative ang pagtanggap natin. Isa lang bagay ang dapat natin gawin bilang Pilipino, love our country and follow our leaders. Parang isang family, igalang ang head, sundin at huwag matigas ang ulo. Always hail the Chief para bongga👍 #classiclolita," aniya.
Matatandaang nasabi ni Martin ang tungkol sa traffic habang nasa audience si Pangulong Bongbong Marcos.