Inihayag ng OCTA Research nitong Lunes, Enero 22, na lumabas sa kanilang survey na hindi urgent national concern para sa maraming mga Pilipino ang Charter Change (Cha-cha).
Base sa 2023 Fourth Quarter "Tugon ng Masa" survey ng OCTA, 1% lamang umano sa mga Pilipino ang naniniwalang dapat agarang maaksiyunan ng pamahalaan ang Cha-cha, na isinusulong ngayon sa bansa sa pamamagitan ng nagpapatuloy na People’s Initiative (PI).
Samantala, ayon pa sa OCTA, ang pagkontrol ng inflation ang nananatiling top urgent concern para sa 73% ng mga Pinoy.
Pumangalawa naman daw sa “top urgent national concern” para sa mga Pilipino ang pagkakaroon ng access sa abot-kayang presyo ng mga pagkain (45%).
Sinundan naman ito ng paglikha ng mga trabaho (36%), pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa (34%), at pagpapababa ng bilang ng mahihirap (32%).
Bukod sa mga nabanggit, itinuturing din daw ng “urgent national concern” ng mga Pinoy ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng dekalida na edukasyon (15%)
- Paglaban sa korapsyon (13%)
- Pagsusulong sa peace and order (10%)
- Pagsugpo sa kriminalidad (8%)
- Pagpapatupad ng batas (7%)
- Pagbawas sa halaga ng binabayarang tax (6%)
- Pagprotekta sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa (4%)
- Paghahanda sa anumang uri ng banta ng terorismo (4%)
- Pagtigil sa pang-aabuso sa kapaligiran (4%)
- Pagdepensa sa teritoryo ng Pilipinas (3%)
- Pagpigil sa pagkalat ng Covid-19 (3%)
- Pagkontrol sa pagdami ng populasyon (3%)
Isinagawa umano ang naturang survey mula Disyembre 10 hanggang 14, 2023 sa pamamagitan ng pakikipanayam sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas.