Ipinahayag ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na hindi makaaapekto sa kaniyang trabaho bilang senador ang paghatol sa kaniya ng Sandiganbayan bilang “guilty” sa kasong direct at indirect bribery.

Sa panayam ng Radio DWIZ na inulat ng Manila Bulletin, iginiit ni Estrada na hindi pa umano executory ang ruling ng Sandiganbayan, kaya’t hindi raw nito maaapektuhan ang kaniyang tungkulin sa Senado.

“Hindi pa naman final and executory ‘yung ruling ng Sandiganbayan. Marami pang remedies available for me. Katulad ng motion for reconsideration, kung kinakailangan, pwede pang umakyat sa Korte Suprema,” ani Estrada nitong Sabado, Enero 20.

“So hindi makakaapekto ito. Ipagpapatuloy ko pa rin ‘yung aking trabaho bilang senador. At syempre ‘yung mandato na binigay sa akin ng taumbayan,” dagdag pa niya.

Jinggoy Estrada absuwelto sa plunder, ‘guilty’ sa kasong bribery

Matatandaang idineklara ng Sandiganbayan Fifth Division ang nitong Biyernes na “not guilty” si Estrada sa kasong plunder, ngunit “guilty” naman umano sa kasong direct at indirect bribery kaugnay ng umano’y pork barrel fund scam.

Base sa desisyon ng Sandiganbayan Fifth Division na inilabas nitong Biyernes, Enero 19, inosente umano si Estrada sa kasong plunder kaugnay ng ₱10 billion Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam na iniugnay kay Janet Lim Napoles.

Gayunman, lumabas umanong “guilty” ang senador sa one count ng direct bribery at 2 counts ng indirect bribery matapos siyang akusahang nagbulsa umano ng ₱183 million in kickbacks mula sa mga pekeng proyekto.

Noong Biyernes, Enero 19, ay inihayag din ni Estrada na gagawin nila ang lahat ng “legal options” para sa kaniyang kaso.

https://balita.net.ph/2024/01/19/jinggoy-gagawin-daw-lahat-ng-legal-options-para-sa-kaniyang-kasong-bribery/