“Be man enough… Sabihan n’yo kami nang harap-harapan.”

Ito ang mensahe ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa tindig ng pamahalaan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang press conference sa Senado nitong Lunes, Enero 22, nanawagan si Dela Rosa na kumpirmahin na umano ng administrasyon ni Marcos kung totoo ang sinabi kamakailan ni dating senador Antonio Trillanes IV hinggil sa imbestigasyon ng ICC.

Matatandaang sinabi ni Trillanes kamakailan na natapos na umano ng ICC ang imbestigasyon nito sa war on drugs ng dating administrasyon at posible umanong ilabas ang “arrest warrant” laban kay Duterte at Dela Rosa sa “lalong madaling panahon.”

PBBM: ‘Di dapat diktahan ng taga-labas ang imbestigasyon sa drug war sa PH’

“Kung totoo, magbago talaga ang tingin ko, to the extent na laban bawi pala sila. Ganun pala sila, laban bawi sila. Ganoon ang magiging tingin ko. Granting na totoo ‘yung sinabi ni Trillanes,” ani Dela Rosa na inulat ng Manila Bulletin.

“Ako ang pakiusap ko lang is prangkahan: usapang lalaki. Kung gusto n’yong imbestigahan kami, kung gusto niyo kaming makulong, then sabihan niyo kami nang harap-harapan. Huwag ‘yung iba ‘yung sinasabi, iba ‘yung nangyayari, ‘di ba? ‘Yun lang pakiusap namin,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi naman ng senador na nakahanda raw siyang makipagtulungan sa imbestigasyon kapag pinahintulutan ito ng pamahalaan.

“As I have said, I am a citizen of this country. I am duty-bound, morally-bound to obey the government. Kapag sinabi ng gobyerno na pwedeng puntahan lang, sige mag-cooperate sa investigation, bakit hindi kami susunod? Pero kung sinabi ng gobyerno na wala yan, di pwede mag-imbestiga yan..di pwede, di tayo papayagan, then pailalim pala ang pagpasok dito, pero may underground na pagpayag, then, pano kami makapaghanda ng sarili namin kung ganun?” saad ng senador.

Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Polices (PNP) nang magsimula ang “Oplan Tokhang” ng administrasyon Duterte.

Samantala, matatandaang sinabi ni Marcos kamakailan na hindi raw dapat ang taga-labas ang magdedesisyon hinggil sa imbestigasyon ng nangyaring war on drugs sa bansa.

Sa kabila nito, sinabi rin ng pangulo na “under study” ang usapin hinggil sa pagbabalik ng Pilipinas sa ICC.

https://balita.net.ph/2023/11/24/pbbm-sa-posibleng-pagbabalik-ng-pinas-sa-icc-thats-under-study/

Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.