2 airport policemen, sinuspindi dahil sa ilegal na pagdaan sa EDSA Busway sa Makati
Sinuspindi na ang dalawang Airport Police na nakipagtalo umano sa isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa ilegal na pagdaan sa EDSA Busway sa Makati City nitong Linggo ng hapon.
Ang dalawa ay nakilalang sina APO2 Raymond Anuran at APO1 Michael Lilis.
Kaagad na iniutos ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Ines na suspindihin sina Anuran at Lilis matapos makarating sa kanyang tanggapan ang impormasyon kaugnay ng insidente.
“We cannot just tolerate this kind of abuses. It is embarrassing and this must stop,” ani Ines.
Naiulat na sinita ng isang traffic enforcer ng MMDA sina Anuran at Lilis matapos dumaan sa northbound lane ng EDSA-Guadalupe, Makati habang sakay ng isang marked vehicle.
Sa halip na ipakita ang lisensya, nagpakilalang isang pulis ang driver at nakipagtalo pa umano sa traffic enforcer.
Bukod dito, tinangka pang agawin ang cellphone ng traffic enforcer habang kinukunan siya ng video.
Gayunman, tinikitan pa rin ito ng mga tauhan ng mga tauhan ng MMDA.
Kaugnay nito, iniutos din ni Ines kay MIAA Assistant General Manager for Security and Emergency Services Manny Gonzales na pangunahan ang imbestigasyon laban kina Anuran at Lilis.
Dahil dito, muling binalaan ng Department of Transportation (DOTr) ang publiko na bawal ang mga motorista sa EDSA bus lane.
Kabilang lamang sa pinapayagang dumaan sa EDSA bus lane ang mga sasakyan ng Philippine National Police (PNP), at marked emergency vehicles, katulad ng ambulansya at truck ng bumbero.