Muling nag-post ang direktor at writer na si Ronaldo C. Carballo sa kaniyang social media account patungkol sa nag-viral niyang post paungkol sa talent fee ng aktor na si Ian Veneracion nang tangkain itong kunin bilang guest celebrity sa isang parada ng festival sa Tarlac.
Aniya, isang editor ng pahayagang tabloid ang nag-interview sa kaniya, at inulit niya ang mga nasabi niya rito para klaruhin ang lahat.
Saad niya, hindi niya siniraan si Ian, at maayos daw ang ugnayan nila ng aktor kahit noon pa. Noong 80s pa raw ay magkakilala na sila nito, at very nice naman daw ito sa kaniya. Bilib din siya sa talent at skills nito magmula sa pag-arte, pagkanta, at maging sa pagpipinta.
Sadyang naikuwento lamang daw niya ang kuwento tungkol dito, na in the first place daw ay may permiso naman daw. May go signal naman daw ang "source" niya.
"Hindi ko naman alam na ang kapr'asong kwentong ito ay magba-viral & went out of proportioned sa dami na nga ng mga nakisawsaw at patuloy na nakikisawsaw," aniya.
Humingi ng dispensa ang manunulat kay Ian kung nalagay niya ito sa "bad light" dahil sa resulta ng kaniyang naisulat sa post.
"I am so sorry to Ian. Sincerely, nagsu-sorry ako kung nailagay ko sya in a bad light. Kung nai-exposed ko ang dealings & demands ng kanyang RM na ikina-turn off ng 'private company' at ng Tarlac Festival. Sana maunawaan ako ni Ian na since 80's pa na Entertainment Journalist pa lang ako at di pa ako award winning Screenwriter & Film Director, naging very much credible naman ako sa lahat nang isinusulat ko, kaya rin tumagal ako ng 43 years na ngayon sa Industriyang ito..."
Sa kabilang banda, hindi raw babawiin o ire-retract ni Ronaldo kung anuman ang nakalagay sa kaniyang post.
"With this truth, again, nagsu-sorry ako ng buong puso kay Ian kase nailagay ko sya sa alanganin. Sincerely, I regret that. But I will not retract what I have wrote. It's a true story na ikinuwento sa akin, eh. [Credibility] ko na as a writer na iningatan ko ng 43 years ang nakataya dito."
"Wala akong masamang intention. By posting the kwento, gusto ko lang malaman sana, kung attitude ba ni Ian yun na ni-represent ng RM? Mga demands ba talaga ni Ian ang mga sinabi o diskarte lang lahat ito ng kanyang RM? Para kung hindi galing kay Ian yun, maikorek nya ang RM nya, for his benefit."
"He has a bad RM, afterall," aniya pa.
Samantala, nakarating na sa kaalaman ng kampo ni Ian ang patungkol sa viral post, at ayon sa ulat ng isang pahayagan, nakipag-ugnayan daw kay Carballo ang ilang mga tao sa kaniya patungkol dito. Nabanggit sa ulat na nag-iisip daw ang kampo kung may "legal action" silang gagawin kaugnay ng post.
MAKI-BALITA: May dagdag ₱100k pag lumagpas: Ian, ₱500k kada 2 oras ang TF sa parada?