Nagbigay ng kaniyang saloobin si "The Voice Kids" season 2 champion-turned-singer na si Elha Nympha kaugnay ng viral na isyu sa talent fee ng aktor na si Ian Veneracion, na mula naman sa viral Facebook post ng director-writer na si Ronaldo Carballo.
Nawindang si Elha na kinailangan pang i-post sa social media ang tungkol sa umano'y 500,000 na talent fee ng award-winning actor nang tangkain daw itong maimbitahan sa isang festival sa Tarlac bilang guest sa gaganaping parada.
"Nakaka loka yung pinost pa sa FB yung TF ni Ian Veneracion," aniya sa kaniyang Facebook post noong Enero 18.
Aniya, bilang isang artist, kung hindi raw afford ng kumukuha sa kanilang serbisyo ang talent fee, makabubuting itikom na lamang ang bibig at huwag nang isapubliko kung anuman ang mga hindi napagkasunduan.
"As an artist po, pls kung hindi niyo kami afford or di nag ka sundo sa negotiation i quiet nalang ang mouth kasi hindi po dapat dinidisclose yan in public. Also tama lang po na may time limit or may oras po na nakalagay sa clause ng contract kasi yung 2hrs na yan lalo na pag abusado ung organizer or client baka umabot ng 7hrs yung hahaha."
"Possible pang madelay at ma-late yung parade na yan so dapat clear yang oras diyan. Hindi naman po kami binabayaran para sa wala, Ian veneracion is one of the OG’s sa Acting industry. Kaya hindi mo dapat ma question bakit ganun ang TF niya. Again never disclose private negotiations for publicity purposes," aniya pa.
Dagdag pa niya sa comment section, "Tsaka po isipin niyo yung Tf ng isang artist ang binabayaran niyo is yung talent, pagod and oras. Mahal man tf namin ginagawa naman namin best namin and nagpapasaya kami ng tao na dapat lang naman kasi ito po ang service namin, and i think deserve din naman namin mabayaran ng tama 🥹🖤."
Sa isa pang Facebook post ay tila nagkaroon ng analogy si Elha kung anong dulot na vibes ang nangyari.
"Pumunta ako sa apple para bilhin yung iphone 15 pero namahalan ako 90k!!! Kaya sabi ko pwedeng 40k nlang? Sabi ba naman sakin hindi po pwede tumawad dito maam. Hays apple ang mahal mahal niyo bibili nalang ako sa quiapo mura pa. Parang ganyan ung vibe hahahaha😭."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Carballo patungkol sa post na ito ng singer.