Pinagkatuwaan at sinakyan ng ilang mga kompanya, negosyo, at netizens ang trending at kontrobersiyal na edited photo ng babaeng lone bettor na nag-claim kamakailan ng kaniyang cash prize sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na na-draw at napanalunan niya noong Disyembre 28, 2023.

Ang nasabing lone bettor na isang maybahay sa San Jose Del Monte, Bulacan, ay nagwagi ng ₱43,882,361.60 sa Lotto 6/42 matapos masaktuhan ang lumabas na winning number combination na 18-34-01-11-28-04.

Umani naman ng reaksiyon at komento ang tila halatang-halatang edited photo ng babae, na nakarating din sa senado at inusisa pa si PCSO General Manager Mel Robles patungkol dito.

Inamin naman ni Robles na sadyang edited ang larawan para sa "security purposes" ng nag-claim na winner. Pero giit niya, totoong tao at nanalo ang nabanggit na babae, paumanhin lang daw sa "low-quality" na editing skills ng tanggapan.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Dahil trending, agad itong sinakyan at ginamit ng iba't ibang kompanya at negosyo para sa kanilang advertisement at marketing strategy.

Sikat na rin si lone bettor matapos maging laman ng iba't ibang memes. Ang iba, ginaya na rin ang makikitang eksena sa trending na edited photo.

Biro tuloy ng mga netizen, instant milyonaryo na nga si "Ate Girl," naging instant endorser pa siya!