Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Enero 20, na humina ang epekto ng northeast monsoon o amihan sa bansa.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Daniel James Villamil na sa kasalukuyan ay ang ilang bahagi ng Northern Luzon na lamang ang naaapektuhan ng amihan, na nagdadala ng malamig na hangin mula sa Siberia.
“For the next 24 hours, ang buong bansa ay makakaranas pa rin ng pangkalahatang maaliwalas na panahon. May tsansa pa rin tayo ng mga light rains o ang mga dagliang pag-ambon na dala ng amihan,” ani Villamil.
Kasabay ng paghina ng amihan ay ang paghina rin daw ng shear line o ang “boundery line” kung saan nagsasalubong ang malamig at mainit na hangin.
Samantala, ayon sa PAGASA, inaasahang makararanas ng medyo maulap hanggang maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Cagayan Valley dulot ng amihan.
Wala namang matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa naturang mga lugar.
Samantala, inihayag din ng PAGASA na posibleng makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Paspiko, at dahil sa localized thunderstorms.
Posible naman umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa ngayon ay raw minomonitor ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Kaugnay na Balita: