Naibalita sa bansang South Korea ang umano'y pagkaka-sentensya ng dalawang North Korean teenagers sa parusang 12 taong "hard labor" matapos mahuling nanonood at nagpapamahagi pa ng kopya ng ilang South Korean dramas.
Makikita sa nag-leak na video ang isang footage kung saan makikitang tila nasa isang trial ang dalawang 16-anyos na North Korean students habang nasa likod naman nila ang ilang peers o kaedad nila na nakaupo sa mga upuan ng isang outdoor stadium.
Makikitang pinosasan ng uniformed officers ang dalawang estudyante.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News na mula naman sa iba't ibang international news outlets, mapapakinggan sa narration ng balita na naparusahan ang dalawang kabataan dahil sa panonood ng films, dramas, at music videos ng "Puppet Regime" mula sa South Korea.
Ang nabanggit na video raw ay ipinapakalat sa North Korea upang magsilbing babala sa mga mamamayan nito na bawal manood, magpuslit, o tumangkilik sa alinmang panoorin o entertainment videos mula sa South Korea, na malaki ang market sa global audience. Kuha pa raw ang video noong 2022.
Ipinagbabawal ang pagpapalabas ng alinmang panoorin o anyo ng entertainment ng South Korea sa North Korea. Sinumang mapatunayang gumagawa nito ay maaaring maparusahan ng kamatayan.
Samantala, ang mga teenager na lumalabag sa ganitong batas ay ipinadadala naman sa youth labor camps para pagtrabahuhin, na kadalasang tumatagal ng 5 taon.
Bihira umanong kumalat ang mga ganitong uri ng footage mula sa North Korea dahil mahigpit na ipinagbabawal sa nabanggit na bansa ang paglabas ng alinmang anyo ng larawan, video, at alinmang ebidensiya sa uri ng pamumuhay ng mga mamamayan sa loob nito, sa alinmang bansa.