Dahil “hot topic” ngayon ang lotto games, halina’t muling balikan ang makasaysayan (at kontrobersiyal) na lotto draw sa bansa, kung saan hindi lang isa, dalawa o sampu ang mga nanalo at naghati sa iisang jackpot prize, kundi 433!
Noong Oktubre 1, 2022, inanunsyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na 433 na mananaya ang nanalo sa 6/55 grand lotto. Nahulaan daw ng mgs ito ang winning combination na 9, 45, 36, 27, 18, at 54 (multiples of 9).
Dahil dito, pinaghatian ng nasabing lucky bettors ang premyong ₱236,091,188.40, nangangahulugang nakatanggap ang bawat isang kumubra ng ₱545,245.24
MAKI-BALITA: Halos ₱240M jackpot sa lotto, tinamaan ng 433 mananaya — PCSO
Bukod sa jackpot winners, mayroon din daw 331 mga mananaya na nagwagi ng second prize na tig-₱100,000 para sa nahulaang limang tamang numero.
Samantala, umani naman ng kontrobersiya ang nangyari dahil marami ang nagduda rito. Isa na sa mga hindi makapaniwalang 433 ang tumama sa iisang lotto draw ay si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, na siyang nagpasa ng resolusyon sa Senado para imbestigahan ang “pambihirang pangyayari.”
“Katakataka ‘yung result na ‘yan. ‘Yung 433 ang mananalo, supposed to be ang chances mo diyan is 1 in how many millions. So ibig sabihin, ganoon kahirap dapat tamaan ‘yan and then to say na 433 ang tumama. There is something suspicious,” ani Pimentel.
MAKI-BALITA: Kaduda-duda? Pagkapanalo ng 433 bettors sa lotto jackpot, iimbestigahan ng Senado
Sa kabila nito, nanindigan si PCSO General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles na walang daya ang kanilang mga palaro, lalo na’t ang puhunan daw nila ay ang tiwala ng taumbayan.
Ipinaliwanag din ni Robles na ‘game of chance’ daw ang lotto at walang sinuman ang maaaring maka-predict ng mga numerong lalabas sa raffle o kung mayroong mananalo o wala sa bola.
Isinasagawa rin daw nila ang pagbola sa gitna ng presensya ng mga kinatawan ng Commission on Audit (COA), at naka-telecast ito nang live sa PTV 4 at sa kanilang social media pages.
“We would like to assure the public at ang bayan, na ang PCSO ay tapat sa kaniyang tungkulin at tapat sa kaniyang mandato na magkaroon ng mga laro na mapagkakatiwalaan, with integrity, and utmost sincerity and transparency,” ani Robles.
MAKI-BALITA: PCSO, nagpaliwanag sa kontrobersiyal na pagtama ng 433 bettors sa P236-M GrandLotto 6/55 jackpot
Kaugnay nito, isa sa mga lucky bettor na nanalo raw sa naturang makasaysayang lotto draw ang pumayag na ilantad ang kaniyang identidad upang patunayan umanong totoo ang pagkapanalo ng 433 mga mananaya.
MAKI-BALITA: ‘Check reveal!’ Isa sa 433 nanalo sa 6/55 grand lotto, pumayag na magpakita, makapanayam
Nagtungo rin daw sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City ang ilan sa nasabing 433 lotto winners para kubrahin ang kanilang mga premyo.
MAKI-BALITA: PCSO: Ilan sa 433 jackpot winners ng Grand Lotto 6/55, kumubra na ng premyo
Samantala, balikan kung gaano karami na nga ba ang mga nanalo ng mahigit ₱100M jackpot sa lotto mula noong 2010.