Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pamahalaan at sa pribadong sektor na suportahan ang idadaos na 11th Asian Age Group Championship sa Capas City, Tarlac sa susunod na buwan.

Inilabas ng Malacañang ang Memorandum Circular No. 43 nitong Miyerkules na nag-uutos sa mga ahensya ng pamahalaan, kabilang na ang mga government-owned and controlled corporation (GOCC), at private sector na magbigay ng tulong para sa ikatatagumpay ng nasabing taunang continental event.

"The hosting of said championship event in the Philippines will bring international prestige, publicity, goodwill, and economic benefits to the country,” ayon sa memorandum na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Enero 17, 2024.

Sinabi pa ng Malacañang, matagal nang inaabangan ang naturang kompetisyon na sasalihan ng 1,400 mula sa iba't ibang bansa sa Asya.

Nasa 44 Pinoy swimmers ang inaasahang magpapakitang-gilas sa nasabing sport event.

Ang swimming competition ay idadaos sa New Clark City Aquatics Center sa Capas City, Tarlac, mula Pebrero 26 hanggang Marso 9, 2024.